Grupo nakatanggap ng mga bisikletang ipagagamit nila sa COVID-19 frontliners

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2020 08:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sa panahon ng krisis, patuloy na nananaig ang malasakit ng Bayan Patrollers sa mga frontliner na lumalaban kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa Bani, Pangasinan, hinatiran ng tulong ang nasa 250 pamilya sa Barangay Garrita na nananatili sa kanilang mga bahay dahil sa umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon.

Ayon sa nag-donate na si Amari Onia, nagdesisyon silang magkakapatid na mag-ambagan para makatulong.

Ibinahagi naman ni Keisha Mayuga ng grupong Life Cycles PH ang retrato ng dose-dosenang bisikleta na natanggap nila, na magagamit na ngayon ng frontliners.

Tugon ito sa panawagan nila sa Facebook para sa mga gustong magpahiram ng bisikleta o mag-donate ng pera para may masakyan ang frontliners.

Umabot sa mahigit P350,000 ang kanilang nalikom na ipambibili ng mas marami pang bisikleta, helmet, at bike lock.

Ayon sa isang doktor na nakatanggap ng bisikleta, susuklian niya ito ng serbisyo sa mga pasyente.

Isang pamilya naman sa Barangay La Paz sa Makati City ang nagmagandang loob at niyaya ang mga pulis na saluhan sila sa hapag kainan.

Kuwento ni Joshua Varona, ito ang kanilang simpleng paraan ng pasasalamat sa pulis na todo-bantay sa checkpoints ngayong may lockdown.

Bumuo naman ang Christian Baptist Church ng panalangin para sa mga pulis. Tinawag nilang "My Brother's Keeper" ang programa para mabigyan ng pagkakataon na magdasal ang mga pulis.

—Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.