Isang ama mula sa Malanday, Marikina City ang nanawagan sa Lingkod Kapamilya para humingi ng tulong para sa kanyang pitong buwang gulang na sanggol na dumaranas ng iba’t ibang malulubhang sakit.
Ipinanganak na may hydrocephalus at cerebral palsy ang sanggol na si Brixs Angelo Tumaca Gallos.
Dahil sa kakulangan sa pera, napilitang humingi ng tulong pinansya ang amang si Gerard Gallos. Nagtatrabaho siya bilang isang on-call waiter at minsa'y isang balloon decorator sa mga okasyon.
Nag-iisang binubuhay ni Gerard ang kaniyang pamilya, kaya't hirap siyang tustusan ang mga pangangailangan ni Baby Brixs katulad ng maintenance medicine, vitamins at maging ang pagpapa-physical therapy na kailangang gawin dalawang beses isang linggo.
Ayon kay Gerard, nagkaroon ng komplikasyon sa pagluwal ng sanggol na nagdulot ng kakulangan ng hangin sa utak nito.
“Nung pinanganak po siya ang sabi po kasi ng asawa ko, una pong lumabas yung cord ni baby. Kaya kinailangan po niya ng hangin sa utak," aniya.
Kinakailangang ipagpatuloy ng sanggol ang therapy upang mahabol ang kanyang pagkilos habang siya ay tumatanda.
“Wala naman pong ibang komplikasyon na, pero kailangan parin po talaga nung therapy niya po. Para po mahabol po yung sa pagtanda niya makakilos po siya ng sarili po," ani Gerard.
Sa ngayon, P1,000 kada linggo ang estima ng ama sa gastusin para sa patuloy na therapy. Bukod dito, mayroon pang ibang gastusin para sa mga gamot, bitamina, at gatas ng sanggol.
Bukod kay Baby Brixs, mayroon pang apat na kapatid ang sanggol at isa rito’y malapit nang magsimula sa kanyang pag-aaral. Ilan lamang ito sa mga rason kung bakit hirap ang ama sa pagsustento sa mga pangangailangan ng sanggol.
“Nananawagan po ako sa mga may mabubuting puso po na tulungan po yung buso kong anak. Kasi po hindi ko po kayang i-provide yung kanyang kakailanganin po sa kanyang paglaki. Kaya sana po matulungan niyo kami,” panawagan ng ama.
Maaring magpadala ng tulong para kina Gerard at Baby Brixs sa GCash number na 09751127212.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.