PatrolPH

Harvard University, mag-aalok ng kurso sa Wikang Tagalog

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2023 01:27 PM | Updated as of Mar 30 2023 06:59 PM

Ang Harvard Yard sa Harvard University sa Cambridge, Massachussetts sa Amerika noong Mar. 10, 2020. CJ Gunther, EPA-EFE/File
Ang Harvard Yard sa Harvard University sa Cambridge, Massachussetts sa Amerika noong Mar. 10, 2020. CJ Gunther, EPA-EFE/File

MANILA — Sa kaunaunahang pagkakataon sa kasaysayan nito, mag-aalok ang prestihiyosong Harvard University sa Amerika ng kurso sa Wikang Tagalog.

Ayon sa pahayagan ng unibersidad na Harvard Crimson, inaasaahang kukuha ng preceptor o guro sa Wikang Filipino ang Department of South Asian Studies ng Harvard para sa academic year 2023-2024.

Ayon sa ulat ng pahayagan, may mga nagtuturo na ng wikang Thai at Bahasa Indonesia sa unibersidad, ngunit wala pang nagtuturo ng Tagalog doon.

Suportado ng budget na $1 milyon ang makukuhang guro ng Tagalog ng Harvard. Inaasahang magtuturo siya roon sa loob ng 3 hanggang 5 taon.

Watch more News on iWantTFC

Ayon sa direktor ng Asia Center ng Harvard University na si Professor James Robson, isa ang bagong kurso sa mga hakbang ng pamantasan upang mahikayat ang mga estudyante sa Harvard na pag-aralan ang Southeast Asia.

Inaasahan ni Robson na makakakuha ng suporta at demand ang unibersidad para sa pag-aaral ng mga lengguwahe sa Southeast Asia sa pamamagitan ng bagong kurso nito sa Wikang Filipino.

“What I’m hoping is that if we can demonstrate that there’s demand for these languages and students show up and are excited about it, then hopefully we can also use this to convince the administration to further support Southeast Asian studies generally and language instruction in particular,” aniya.

Panawagan naman sa co-president ng Harvard Philippine Forum (HPF) na si Marcky Antonio, sana ay maituro nang maayos ng Harvard hindi lamang ang wikang Tagalog kundi pati na rin ang kulturang Pilipino.

“While this is the first Tagalog language course that’s ever been offered in Harvard’s history, I think there’s also this sense that we need to make sure we teach this right — not only Tagalog language, but Filipino culture as a whole,” ani Antonio na isa sa mga pinuno ng pinakamalaking lupon ng mga Pilipinong nag-aaral sa Harvard.

Ikaapat ang Wikang Tagalog sa mga lengguwaheng may pinakamaraming gumagamit sa Estados Unidos.

BALIKAN:

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.