PatrolPH

ALAMIN: Karaniwang sanhi ng hika, allergy sa mga bata

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2019 03:40 PM

Watch more on iWantTFC


Karaniwan sa mga bata sa Pilipinas ang magkaroon ng asthma o hika at allergy dahil sa klima at pagkalantad sa mga allergen, ayon sa isang doktora.

Magkasamang tinalakay ng pediatric allergologist at immunologist na si Dr. Aimee Lou Nano ang asthma at allergy sa mga bata sa programang "Good Vibes" ng DZMM dahil konektado aniya ang 2 kondisyon.

"Kadalasan sila ay magkasama," ani Nano.

"Hindi siya [allergies] 'yong cause ng asthma pero puwedeng eventually, magde-develop din ang asthma dahil sa allergy," paliwanag ni Nano.

Kadalasang kapag hinihika ang isang bata ay pinatitingnan na rin ng doktor kung siya ay may allergy, at kapag may allergy ay pinasusuri na rin kung may hika, ani Nano.

Isa sa mga sanhi ng hika at allergy sa mga bata ay ang klima ng bansa.

"Minsan either kapag sobrang init or humid kagaya ng mayroon tayo dito and minsan din naman 'pag may mga times na malamig. So 'pag may mga panahong ganoon, minsan nakaka-trigger din," ani Nano.

Bukod sa panahon, sanhi din daw ang allergens o iyong mga substance na nagdudulot ng allergic reaction.

Isang halimbawa ng allergens, ani Nano, ay pollen, isang mala-pulbos na substance sa mga bulaklak at damo.

Allergen din ang turing sa mga dust mite, ayon kay Nano.

Nahahanap ang mga nasabing kulisap sa mga maalikabok na bahagi ng bahay at sa mga carpet, bed sheet, mattress, kurtina at stuffed toy.

Hindi mismong ang mga kulisap ang nagiging sanhi ng allergic reaction kundi ang mga dumi sa katawan nila, ani Nano.

"Ang nagko-cause ng allergy is 'yong mga parte ng katawan nila, 'yong dumi," aniya.

Dahil dito, ipinayo ni Nano ang kada linggong paglalaba o paglilinis sa mga nabanggit na gamit sa bahay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.