PatrolPH

Pilipino para sa Pilipino: Bagong yugto ng 'Pantawid ng Pag-ibig' umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2021 08:44 PM

Pilipino para sa Pilipino: Bagong yugto ng 'Pantawid ng Pag-ibig' umarangkada na 1
Nagpamahagi ng food packs ang ABS-CBN sa Barangay 192 sa Tondo, Maynila, sa pag-aarangkada ng bagong yugto ng Pantawid ng Pag-Ibig sa kasagsagan ng bagong mga restriksiyon sa Kamaynilaan.

MAYNILA - Parang naulit ang mga eksena mula sa nakaraang taon nang mag-lockdown nitong 2021 sa Barangay 192 sa Tondo sa Maynila. Umabot kasi sa mahigit 10 ang nag-positive sa coronavirus disease (COVID-19) sa lugar.

Maraming lugar sa Greater Manila Area ang muling isinailaim sa mas mahigpit na quarantine restrictions dahil sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.

Problemado ngayon si Diosa Concepcion dahil 4 buwan nang walang tubig sa gusaling kanilang tinitirhan. Nawalan pa ng trabaho ang kaniyang mister. 

"Nagsara na po yung KTV bar na pinagtatrabahuhan niya tapos hindi na nakabalik. Ito naggagatas pa, diaper. Minsan 'yung Mama ko nahihingian namin. Mahirap, sobrang hirap, minsan wala, minsan meron," ani Concepcion. 

Watch more on iWantTFC

Bukod naman sa pag-aalaga ng kaniyang bed-ridden na asawa, inaalala rin ng 79 anyos na si Edna Cura kung paano pagkakasyahin sa pagkain ng 10 miyembro ng pamilya ang kita ng kaniyang anak na tanging naghahanapbuhay para sa kanila. 

Simula noong ipatupad ang community quarantine, agad naging tulay ang Pantawid ng Pag-Ibig sa tulong ng mga nagmalasakit na indibidwal at mga kompanya na nagbigay ng donasyon. 

Sa bagong yugto ng "Pantawid ng Pag-Ibig: Pilipino para sa Pilipino," naghatid ang ABS-CBN Foundation ng food packs at tubig sa mga taga-Barangay 192. 

Ayon kay Berta Lopez, managing director ng ABS-CBN Foundation, parte ng kanilang kampanya ang pagbebenta ng food vouchers na siyang magiging daan para magbigay ng donasyon ang mga tao. 

"The first part of the launch is food, we’re doing food vouchers and we’re doing it through different digital platforms, For just a hundred pesos you can feed a family of five for one day. We also have P400, it will feed a family for five days. It will be simple and it will be just a matter of clicking, and you will be able to help donate," ani Lopez. 

Dagdag niya: "Hopefully we also have corporate sponsors who will match anybody’s donation of four hundred or five hundred. Sana our usual donors and those who have not yet partnered with us, come on board because it’s an easy way to help."

Maaaring ipaabot ang tulong sa "Pantawid ng Pag-ibig: Pilipino para sa Pilipino" sa pamamagitan ng pag-donate sa online partners, o pagbili ng donation voucher mula sa mga partner na online merchants. 

Para sa karagdagang impormasyon at para makapag-donate, maaaring pumunta sa website na ito, at sa official social media pages ng ABS-CBN Foundation. 

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.