KILALANIN: Batang Cebuano na nag-viral sa pagtugtog ng ukulele

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2019 02:51 PM | Updated as of Mar 24 2019 04:18 PM

Libangan ng 12 anyos na si Junlie Cabradilla ang magpatugtog ng ukulele sa mga pampublikong lugar sa Talisay City, Cebu. Screengrab mula sa 'ASAP Natin 'To.'

Suwerte ang turing ng 12 anyos na si Junlie Cabradilla sa kaniyang ukulele dahil nagbukas ang nasabing instrumento ng maraming oportunidad para sa kaniya.

Si Cabradilla ang bata mula Talisay City, Cebu na hinangaan ng mga netizen dahil sa kaniyang galing sa pagtugtog ng ukulele.

Kuwento ni Cabradilla, ang kaniyang ama at kuya ang nagturo sa kaniyang magpatugtog ng ukulele.

Nakagawian din nila noon ng kaniyang kuya na tumambay sa isang tindahan ng mga gitara.

Napansin si Cabradilla ng may-ari ng tindahan at binigyan siya nito ng sarili niyang ukulele.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Sobrang tuwa ko po noon," kuwento ni Cabradilla sa programang "ASAP."

Mula noon, nakahiligan na ni Cabradilla ang pagtugtog sa mga pampublikong lugar.

"Suwerte 'tong ukulele na 'to dahil kapag nagtugtog ako, ang daming nabibigay sa'kin —mga laruan, bigas, baon," ani Cabradilla.

Mas marami ang nakakita sa talento ni Cabradilla nang may mag-video sa kaniya habang tumutugtog sa plaza at ini-upload ito sa social media.

Itinanghal ni Cabradilla sa "ASAP" ang kantang "Kahit Maputi na Ang Buhok Ko" kasama ang You-Kalele Kids Zambales, BoyBandPH at sina Gary Valenciano, Janella Salvador, at Janine Berdin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.