Gumawa ng sulat para sa Department of Education ang isang Grade 5 student sa Polomolok, South Cotabato matapos punahin ang aniya’y gender bias sa learning module. Retrato mula kay Michael Jess Lapid
Umani ng papuri sa netizens ang isang Grade 5 student mula Polomolok, South Cotabato nang i-post ng kaniyang tatay ang sulat niya sa Department of Education dahil sa nakita umanong gender bias sa kaniyang learning module.
Kinilala ang bata na si Miguel Lapid, estudyante ng Polomolok Central Elementary Schoool.
Sa retratong in-upload ni Michael Jess Lapid, ama ng bata, makikita ang isang aktibidad sa module kung saan dapat i-match ng isang bata ang ilang panglarawan sa lalaki at babae.
Base sa retrato ng answer key, sinasabing ang tamang panlarawan sa lalaki ay astig, malakas at matapang habang iyakin, mahinhin, atp paiba-iba ang modo naman ang sa babae—bagay na hindi sinang-ayunan ni Miguel.
Sa sulat na ginawa ni Miguel para sa DepEd, sinabi niyang maaaring makapanakit ng iba ang “stereotyping” at “bias” ng sagot.
Ayon kay Michael, kahit 11 pa lang si Miguel, alam na ng bata ang mga isyu hinggil sa kasarian dahil turo ito ng mga magulang pati ng guro.
Retrato ng nasabing learning module. Retrato mula kay Michael Jess Lapid
Retrato ng nasabing learning module. Retrato mula kay Michael Jess Lapid
“Nakita ko na stuck siya sa part na ‘yon ng module. Nalilito siya kung paano niya sasagutan kasi sabi niya may mali sa module, pointing out na may gender bias daw,” ani Michael.
Inabisuhan ni Michael si Miguel na gumawa ng note para sa teacher.
“Iniwan namin siya to work on his module and later on, pinakita niya na ‘yong letter niya,” ani Michael.
Hindi raw ito ang unang pagkakataong nakakita sila ng error sa module pero ipinaunawa na lang daw kay Miguel na hindi maiiwasan ang mga pagkakamali.
Hindi pa nagbibigay ng komento ang DepEd at paaralan ng bata sa nangyari.
Nauna nang sinabi ng DepEd na mayroon itong mga pormal na channel kung saan maaaring iulat ng publiko ang mga pagkakamaling makikita sa self-learning modules.
– Ulat ni Chrislen Bulosan
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, rehiyon, regions, regional news, Polomolok, South Cotabato, module, learning module, sexism, gender bias, gender stereotyping, Department of Education, site only, slideshow, TV PATROL, TV PATROL TOP