Tanod sa Cebu, cum laude sa kursong civil engineering

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2019 07:36 PM | Updated as of Mar 21 2019 11:29 PM

Isinasabay ni Janryll Tan ang kaniyang pag-aaral sa kaniyang trabaho bilang tanod ng Barangay Kalubihan sa Cebu. Screengrab

Estudyante sa umaga, tanod sa gabi. 

"Lodi" kung ituring ng kaniyang mga kaklase at guro ang tanod ng Barangay Kalubihan na si Janryll Tan na nagtapos na cum laude sa kursong civil enginerring sa isang kolehiyo sa Cebu. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Kuwento ni Tan na minulat siya ng hirap ng buhay para magpursige sa eskuwelahan, lalo't valedictorian din siya noong elementarya at high school. 

Lupong tagapamayapa at suma-sideline bilang habal-habal driver ang ama ni Tan na si Jerry. Pinagkakasya ni Tan ang P6,500 na honorarium at financial assistance na nakukuha ni Jerry para makatulong sa pag-aaral. 

Kuwento naman ni Jerry, pinagsasabay ni Tan ang pag-aaral at pagiging tanod. Malimit niyang nakikita na isinisingit ng kaniyang anak ang pag-aaral habang nagbabantay sa barangay hall. 

Pero sa kabila nito, tingin ni Barangay Kalubihan chairman Rex Millan na hindi napapabayaan ni Tan ang kaniyang responsibilidad. 

Napaiyak ang ina ni Tan na si Nilda nang balikan ang pinagdaanang hirap ng anak. Pero ani Tan, ni minsan ay hindi niya ikinahiya ang kaniyang trabaho. 

Umaasa si Tan na magpapatuloy pa ang buhos ng kaniyang biyaya patungo sa kaniyang pangarap na maging lisensiyadong civil engineer. 

Ipinayo ni Tan na huwag panghinaan ng loob kung nakakaranas ng hirap gaya niya dahil tulad niya ay kaya rin ng iba na magbalanse ng oras, lalo at may suporta ng mga mahal sa buhay.

-- Ulat ni Joworski Alipon, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.