'HaPinay': Kasiyahan, makabuluhang leksiyon handog sa kababaihan

James Amante, ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2019 06:29 PM

TANZA, Cavite — Nag-uumapaw na tuwa at mahahalagang aral ang dinala ng mga artista at eksperto para sa mga kababaihan na nakisaya sa isinagawang "HaPinay" convention dito nitong Lunes.

Pinangunahan nina Ahwel Paz, Winnie Cordero, Gretchen Ho, at Ariella Arida ang programa.

Itinuro ni Chef Tatung Sarthou ang pagluluto ng iba’t ibang klase ng barbecue marinade na masaya namang tinikman ng ilan sa mga dumalo.

Tinalakay naman ng TV host na si Cory Quirino ang mga paraan sa pagpapanatili ng kagandahan.

Para magbigay ng kilig sa mga kababaihan, naghandog ng harana ang mga mang-aawit na sina Randy Santiago at "Voice Teens” grand finalist Jeremy Glinoga.

Mga usaping may kaugnayan sa karapatan ng mga babae ang binigyang tuon ni Atty. Claire Castro ng palabas na "Usapang de Campanilla."

Aniya, kahit na isang beses lang nangyari ang pananakit sa kababaihan ng kanilang karelasyon, mas mainam na magpunta sa barangay upang mabigyan ng "protection order."

Ngunit kapag naganap muli ang pananakit, inirerekomenda na magtungo sa women’s desk ng pulisya para sa mas akmang gabay at proteksiyon.

Pinaalala rin ng abogado na mas pinalawak na ang maternity leave para sa mga buntis na nagtatrabaho.

Bumisita rin sina Dra. Bles Salvador at Dra. Lulu Marquez para magbigay ng mga payo para sa pangangalaga ng kalusugan ng kababaihan.

Nakadagdag din sa kasiyahan ang mga regalo at papremyo na ipinamahagi sa mga dumalo.

Natuwa naman ang mga kababaihan na dumalo dahil nagbigyan sila ng pagkakataon na matuto at magsaya nang sama-sama.

"[Iyong] pakikipag-usap ko sa ibang mga nanay na nakaka-inspire [at malaman] ‘yong mga magaganda nilang naranasan," ani Annalyn Ronquillo nang tanungin kung ano ang paborito niya sa nangyaring programa.

"Kaya masarap sa pakiramdam na may programang ganito," dagdag niya.

Ang "HaPinay" convention ay naisakatuparan sa pangunguna ng DZMM TeleRadyo at "Umagang Kay Ganda."