PatrolPH

Ilang trabahador sinisikap na itawid ang araw-araw na pamumuhay sa gitna ng COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2020 01:46 PM

Para-paraan ang ilang mga kababayan - partikular na ang mga kailangang magtrabaho para magampanan ang kanilang mga tungkulin sa kabila ng community quarantine.

Gusto nilang protektahan ang kanilang sarili at itawid ang kanilang araw-araw na gastusin sa gitna ng panganib na dulot ng novel coronavirus (COVID-19). 

Ang delivery driver na si Arnel Losada, gumamit ng bagong sanitary napkin bilang face mask dahil mas importante aniyang maprotektahan ang kalusugan. 

"Wala pang mabilhan eh," paliwanag niya. 

Nagkaubusan sa mga pamilihan, kabilang na ang mga tindahan ng medical supplies ang mga face mask - bagay na nag-udyok sa mga health worker na manawagan ng mga donasyon. 

Samantala, nagpapatuloy ang kilo-kilometrong paglalakad ng mga manggagawang kailangan pumasok sa trabaho, sa kabila ng banta sa COVID-19. 

Hgiti 4 kilometro ang nilakad ni William Calaycay - mula Pildera 1 sa Pasaya hanggang sa isang mall sa nasabing lungsod kung saan siya nagtatrabaho bilang housekeeper. 

“Okay lang iyan at least makapasok ako kaysa yung wala. Maghihintay ka ng 1 month, wala kang ipapakain sa pamilya,” ani Calaycay. 

Isang araw nang natutulog ang empleyadong si Bernadette Arguellez, na papunta sana sa agency sa Quezon CIty. 

Isang oras namang naghintay ng masakyan si Majid Maruhom sa Baclaran papunta sa pinapasukang supermarket sa La Huerta. 

"Napakahirap talaga kasi wala talagang masakyan eh. Siyempre, kapag walang masakyan, mag-a-absent kami nito kaysa naman lalakarin mo yun,” ani Maruhom. 

May iilan namang manggagawa na inaayudahan ang mga sinasakyan gaya nina Emily na hatid-sundo ng shuttle service ng kaniyang Business Process Outsourcing company. 

Hinihikayat din ang mga employer na payagan ang mga tauhan na makapagtrabaho sa bahay hangga’t maaari. 

-- Ulat nina Johnson Manabat at Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.