'Ehersisyo, socialization nakatutulong para maiwasang magka-dementia'

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2019 03:17 PM | Updated as of Mar 14 2019 03:23 PM

Mainam para sa mga taong may edad ang regular na page-ehersisyo at pakikisalamuha sa ibang tao para maiwasang magkaroon ng dementia, ayon sa isang doktor.

Dementia ang tawag sa paghina sa memorya at iba pang mental na abilidad ng isang tao, ayon sa geriatrician na si Dr. Marc Evans Abat. Isa umano sa mga karaniwang uri nito ang Alzheimer's disease.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Abat, puwedeng ma-"prevent" ang dementia sa pamamagitan ng pagkakaroon ng aktibong pamumuhay at regular na pakikipag-ugnayan sa ibang tao.

"Exercise is, of course, the best way para ma-prevent kung magkakaroon ng dementia," sabi ni Abat sa programang "Good Vibes" ng DZMM.

"And then of course socialization. Minsan kasi 'pag nawawala na 'yong socialization ng may edad, lalong bumabagal 'yong pag-iisip and lalong lumalala 'yong proseso ng deterioration nila," dagdag niya.

Mainam din daw para sa mga may edad na magkaroon ng aktibidad na nagiging abala sila at maiwasang makaramdam ng depresyon.

Kapag nakararanas kasi ng depresyon ang may edad ay mas lumalala ang paghina ng kaniyang memorya, ayon kay Abat.

"Do not retire as much as possible. Don't stop working," aniya.

"Kung halimbawa nagtatrabaho ka dati sa corporate work, try mong i-channel sa ibang outlet 'yong skills mo," dagdag niya.

Sinabi ni Abat na posibleng nagkaka-dementia o Alzheimer's ang isang tao kapag humihina na ang memorya nito, hindi na nito nagagawa ang mga dating nagagawa, at kapag nagbabago ang ugali.

"Tatlo dapat 'yon kasi kung memory lang, puwedeng hindi pa alzheimer's 'yon or puwedeng ibang kondisyon 'yon eh," paliwanag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.