Courtesy: Bayan Patroller Gabriel Angelo Dela Cruz
Naantig ang mga netizen sa video na inupload ni Bayan Patroller Gabriel Angelo Dela Cruz sa kanyang Tiktok account nang ibigay niya ang unang suweldo niya sa kanyang nanay.
Makikita sa video na kuha ng kapatid ng bagong nurse na tinanggap naman ng kanyang nanay ang pera pero ibinalik din ito agad sa kaniya.
Maririnig rin sa video na sinabi ng kanyang nanay na mas kailangan ni Gabriel ang pera sa kanyang pang-araw-araw na gastusin.
Sa panayam ng BMPM kay Gabriel, nangako umano siya sa sarili na ibibigay niya sa nanay ang kanyang unang sahod bilang pagtanaw sa walang kapantay na pagmamahal at pagaaruga sa kanya noong siya ay nag-aaral pa.
Kwento niya, kapapasa niya lang rin bilang registered nurse noong November 2022 at ngayon ay nagtatrabaho na sa St. Lukes Medical Center sa Bonifacio Global City.
Sa panayam naman ng Bayan Mo Ipatrol Mo kay Nanay Adora, sinabi nitong masaya siya dahil pinapahalagahan ng kanyang anak ang mga sakripisyo ng kanyang mga magulang para siya ay mapagtapos sa pag-aaral.
Dagdag pa niya, gusto niyang makitang ine-enjoy ng kanyang anak ang kanyang pinaghirapang pera kaya ibinalik din niya ang unang sweldo nito.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.