Courtesy: Bayan Patroller Amie Lao Facebook Page
Kayang-kaya pang umakyat sa pinakamataas na bundok sa Romblon ang isang 76-anyos na lola na balikbayan mula Amerika.
Nakangiti at mukhang relaxed na relaxed pa si Bayan Patroller Amie Lao sa kuhang video ng kanyang guide nang nag-hiking siya noong ika-23 ng Pebrero sa matarik na Mount Guiting-Guiting sa Sibuyan Island, Romblon.
Makikita ang video sa posted reels ng Sibuyan Island, Romblon Page sa Facebook.
Sa panayam ng Bayan Mo Ipatrol Mo kay Lola Amie, ikinuwento niya na siya ay tubong Atimonan, Quezon pero nagpunta na siya sa Amerika noong 1970 para maging isang exchange student.
Dito na rin aniya nakilala ang napangasawa.
Paglalahad ni Lola Amie, siya ay nakatira ngayon sa California, USA at nagbabakasyon lang sa Pilipinas kaya ang mga ganitong pagkakataon ay sinasamantala niya upang malasap muli ang saya sa kanyang pinagmulan.
Sa kwento niya, bata pa lang siya ay mahilig na siya sa mga outdoor activities at traveling ngunit naaksidente at nagka-fracture ang kaniyang kaliwang paa matapos ang isang skiing trip may 25 taon na ang nakakaraan.
Aniya, dahil dito ay natigil ang kanyang outdoor activities ng ilang buwan.
Dagdag pa niya, ang pinakamataas na bundok na kanyang naakyat ay ang Mt. Everest noong 2019.
Aniya, sa parehong taon ay naranasan naman niya ang pinakamahabang trek sa Camino De Santiago na may 600 miles mula Portugal hanggang Spain at umabot ng 33 days na paglalakad.
Si Lola Amie ay mayroong apat na anak at mayroong 12 na apo na nakatira sa iba’t-ibang parte sa Amerika.
Samantala, ang kanyang asawa naman ay maagang namayapa.
Aniya, late man siya na nahilig sa pag-akyat, may mensahe siya sa mga gustong sumubok rin nito.
“It’s never too late to start anything. You just need a lot of patience, hard work and passion on whatever you do. I find it so peaceful in the mountain. I’m just a girl doing what I love to do,” ani Lola Amie.
-Ulat ng Bayan Mo Ipatrol Mo
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.