KILALANIN: 11 anyos na nagpapatugtog ng ukulele para may pang-aral

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2019 02:08 PM | Updated as of Mar 13 2019 04:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tampok ngayon sa social media ang isang 11 anyos na lalaki sa kaniyang pagpapatugtog ng ukulele para makapag-aral at matulungan ang kaniyang pamilya. 

Sa post ng netizen na si TJ Clemente, makikitang tumutugtog ng hit song na "Despacito" ang batang si Jonlie Cabradilla na tubong- Talisay, Cebu. 

Sa ngayon ay nasa higit 30,000 ang inaning likes at reactions ng bata. 

Kuwento ni Cabradilla, na isang Grade 4 student, ang tatay niya ang nagturo sa kaniyang tumugtog ng ukulele. Susi niya raw ito para makapag-aral muli. 

Ayon sa tatay ni Cabradilla, anim na taon si Jonlie nang turuan niya itong magturo ng gitara. 

Dagdag ng kaniyang tatay, maituturing na "pamana" sa kanilang pamilya ang pagpapatugtog ng mga string instruments. 

"Mga ninuno ko mahilig sa mga [string instruments] gaya ng banjo," ayon sa tatay ni Cabradilla sa "Lingkod Kapamilya" ngayong Miyerkoles. 

Karaniwang magkasama ang mag-ama sa pagpapatugtog para masustentohan ang kanilang pamilya.

Pero sa pagkakataon na iyon aniya ay abala siya sa trabaho bilang construction worker kaya ang kaniyang anak lang ang naabutan nang ipalabas ang video. 

"Kahit walang Pasko nangangaroling po kami. Minsan Sabado, Linggo nangangaroling kami sasama ako, doon... Hindi ako kasama noong nag-viral. Nagtatrabaho ako dito, labor, sa construction," aniya. 

Nagpasalamat din siya sa pag-viral ng kaniyang anak sa social media. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.