Iniinspeksiyon ng mga bombero ang isang natupok na bahay sa Taguig. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
MAYNILA – Mahirap ang masunugan dahil bukod sa pinsalang dulot nito sa mga tahanan at ari-arian, puwede rin itong magdulot ng kamatayan ng tao.
Kaya kung nais maiwasang magkaroon ng apoy o malagay sa panganib ang buhay sa gitna ng sunog, mahalagang isaalang-alang ang acronym na “PADRE,” ayon sa tagapagsalita ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Ang “PADRE,” ayon kay Fire Senior Supt. Geranndine Agonos, ay tumutukoy sa prevention, awareness, detection, reaction, at evacuation.
Sa ilalim ng prevention, naroon umano ang pagsisikap ng tao na iwasang magkaroon ng sunog sa kanilang lugar, na matatamo lamang kapag siya ay may kaalaman o awareness.
“Dapat aware tayo na ang mga bagay na maaaring mag-cause ng sunog ay dapat iwasan natin,” sabi ni Agonos sa programang “Sakto” ng DZMM.
Mahalaga umanong alam ng mga tao ang 3 elemento o fire triangle na kailangan para magkaroon ng apoy: ignition, fuel, at air.
Ipinayo ni Agonos ang pagtago sa tamang lugar ng mga bagay na maaaring pagmulan ng sunog gaya ng mga kandila. Mainam din umanong suriing maigi kung may tagas ang mga lalagyanan ng fuel tulad ng mga tangke ng liquefied petroleum gas (LPG).
“Halimbawa ‘yong LPG, iniwan mo na nakabukas ‘yong valve tapos ‘yong hose na papunta sa burner ay may leak, so lalabas ‘yong fuel. Kailangan na lang ng source of ignition para magkaroon ng sunog,” ani Agonos.
Ang detection naman ay ang kakayahang maramdaman kung may sunog na sa paligid.
Nakatutulong, ayon kay Agonos, ang paglalagay ng mga smoke detector sa loob ng bahay para mapadali ito.
Sa pagkakataon naman umanong may sunog na, mahalaga naman daw na alam ng isang tao kung paano siya tutugon o magre-react.
Kung tingin naman ng tao ay hindi peligroso ang apoy at kaya niya itong patayin, dapat ay alam niya ang tamang “extinguishing agent” na gagamitin sa sunog, ani Agonos.
“Kung electrical fire, hindi mo naman puwedeng buhusan ‘yon ng tubig. Kung kawali... hindi mo rin puwedeng buhusan ng tubig kasi hindi ma-extinguish ng water ang mantika,” aniya.
Inirerekomenda ni Agonos ang pagkakaroon ng fire extinguisher.
Ayon din kay Agonos, dapat ipasuri sa service provider o manufacturer ang fire extinguisher kada taon para makita kung maaari pa itong magamit.
Ang “E” naman sa “PADRE” ay tumutukoy umano sa evacuation o diskarte ng isang tao na makaalis sa lugar na nasusunog.
Mainam umano ang paggapang kapag may sunog dahil “doon po sa baba ang mas malinis na hangin dahil sa taas po ay usok,” ayon kay Agonos.
Sakaling madilim sa kuwartong nasusunog, ipinayo ni Agonos ang pagkapa sa pader hanggang sa makarating sa pinto.
“Pag daan mo sa door, isara mo ulit para ‘pag masunog ‘yong dinaanan mo, hindi ka aabutin dahil nakasara ‘yong pinto,” aniya.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, fire prevention, tips, sunog, Bureau of Fire Protection, Fire Prevention Month, Sakto, DZMM