Tulong-medikal inabot sa 8 anyos na aksidenteng natanggalan ng anit

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2020 08:17 PM | Updated as of Mar 12 2020 10:22 PM

Ginagamot pa rin sa ospital ang 8 anyos na si Leah Joy Dinla-uso matapos matuklap ang kaniyang anit sa nakausling bahagi ng gilingan ng mais sa Quezon, Bukidnon. ABS-CBN News

MAYNILA - Hindi pa rin humuhupa ang trauma ng 8 anyos na si Leah Joy Dinla-uso sa kaniyang sinapit.

Noong Pebrero 18, natuklap ang kaniyang anit nang sumabit ang buhok nito sa nakausling bahagi ng gilingan ng mais malapit sa kaniyang eskuwelahan sa Quezon, Bukidnon.

Nabali ang dalawang binti at natanggal ang kanang tainga ni Leah Joy, na binabantayan ngayon sa ospital.

Dahil sa aksidente, nahinto ang paghahanap-buhay ng kaniyang ama na si Loriefel dahil hindi maiwan sa ospital ang bata, na daraan pa sa operasyon at skin grafting para matapalan ang natuklap na balat.

Watch more in iWantTFC

Mangiyak-iyak si Loriefel nang sabihin na hindi niya alam kung saan kukuha ng gastusin para sa anak.

Gayunman, nagpasalamat siya sa lahat ng nagpaabot ng tulong matapos kumalat sa social media ang kanilang sitwasyon.

Panalangin ng mga kapatid ni Leah Joy na makapiling na muli ang kanilang kapatid na isang buwan na nilang hindi nakikita.

Ayon sa doktor ng bata na si Jed Jumao-as, sinisikap nilang maayos ang paggamot sa bata at maiwasan ang impeksyon sa mga sugat nito.

"Iyong last layer na we’re trying to save is iyong tinatawag nating periustium iyon iyong last covering ng bone. But apparently wala na talagang blood supply, nag-start na siyang mag-dry, we are preventing nalang which is iyong mag-desecate ang bone which is nagagawa naman natin. Apparently more than 50 percent na iyong natapalan natin," ani Jumao-as.

Umalalay din ang ABS-CBN sa pamilya ni Leah Joy nang makapanawagan sila sa radyo DZMM, at makapaghatid ng paunang tulong na mga gamot para sa bata.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.