ALAMIN: Sustansiyang nakukuha sa pakwan, melon

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2019 01:43 PM

Ilan sa mga paboritong panghimagas at pantagal ng uhaw ang pakwan at watermelon pero hindi lang tubig ang maaaring ibigay ng mga naturang prutas.

Hitik din ang pakwan at melon sa mga bitamina at mineral na mabisang panlaban sa iba-ibang sakit, ayon kay Dr. Jaime Galvez Tan, tagapamuno ng Health Futures Foundation Inc.

Watch more in iWant or TFC.tv

MELON

Ayon kay Tan, mayaman ang melon sa beta carotene, isang uri ng Vitamin A na nakabubuti sa mga mata at balat.

"'Pag kinain mo, you're almost sure na protektado ang iyong mata. At ganoon rin ang ating balat kasi we need vitamin A for good skin as well as good eyesight," ani Tan sa programang "Salamat Dok."

Mabisa rin daw ang mga buto ng melon pantagal ng mga bulate at iba pang parasitiko sa butika.

Kumuha lamang ng 2 kutsara ng pinatuyong buto ng melon, ibusa ito hanggang sa maging kulay brown, hanguin at palamigin bago dikdikin ng pinong-pino at ihalo sa inuming tubig.

"Mape-preserve po 'yong kaniyang medicinal properties for pampurga ng mga bulate at iba pang parasitiko na nasa ating bituka," sabi ni Tan.

Melon din ang solusyon sa problema sa pag-ihi, madalas na pagmamamanas at pamamaga ng mga kalamnan, ayon kay Tan.

Dagdag pa ni Tan, puwede ring magsilbing mouthwash ang balat ng melon kontra mabahong hininga, pananakit ng ngipin at pamamaga ng mga gilagid.

Kailangan lang daw tadtarin ang balat ng melon at pakuluan sa tubig.

PAKWAN

May taglay namang lycopene ang pakwan na mabisang panlaban sa kanser, ayon kay Tan.

"Ang lycopene ay isang medisina, nakakaiwas ng cancer, lalong-lalo na sa mga kalalakihan, 'yong prostate cancer at even 'yong ibang mga cancer pa," sabi ni Tan.

Kung ang melon ay pampurga ng mga parasitiko, panlinis naman umano ng buong digestive system ang buto ng pakwan.

"Talagang tiyak po na banayad ang ating pagbawas, pagdumi," ani Tan.

Pantagal din ng pananakit ng joints o kasukasuan ang pakwan dahil sa taglay nitong magnesium.

Mainam din para sa mga nagpapapayat o sumasailalim sa diyeta ang pakwan.

"Very low in calories but very high in vitamins and very high kaya nagpapapayat din habang kumakain ng pakwan," ani Tan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.