Ilang babaeng content creators kinilala sa Senado ngayong International Women's Day. Mula sa Facebook page ni Sen.Risa Hontiveros
MAYNILA - Pinarangalan sa Senado ang tatlong Filipina content creators sa social media platform na TikTok kasabay ng pagdiriwang ng International Women's Day.
Pinangunahan ang pagkilala ni Senator Risa Hontiveros at Senate Gender and Development.
Kabilang sa mga binigyang pagkilala sina Gaia Loberanio o “Gaia Poly” na gumagawa ng mga inspirational videos. Ginagamit din ni Loberanio ang social media upang ipakita ang suporta sa LGBTQIA+ community.
Kinilala rin ang beauty and fashion vlogger na si Janina Vela dahil sa epektibo nitong paggamit ng kanyang platform laban sa disinformation, pagbibigay boses sa mga marginalized sector, pagbuo ng voter's education coalition, at pagsusulong ng mental health at women empowerment.
Dahil naman sa mga video na nagpapakita ng buhay ng isang ina at asawa na nagbibigay inspirasyon sa social media, kinilala rin ang dating UAAP courtside reporter at ngayon ay DJ na si Bea Fabregas.
Naghandog din ng awit para sa mga dumalo sa pagdiriwang ng International Women's Day sa Senado si Hontiveros at Sen. Robin Padilla.
Dinala naman ni Sen. Loren Legarda sa Senado ang mga ipinagmamalaking patadyong ng probinsya ng Antique.
Tampok din sa aktibidad na tinawag na "Wear a Patadyong" ang iba pang mga produkto ng Antique tulad ng mga panyo, pitaka, face mask, wraparound na palda at iba pa.
“Ang mga produktong ito ay gawa ng malilikhain kong kasimanwang manghahabi na mula sa MSME sector sa Antique. Karamihan sa kanila ay mga kababaihan at nais natin silang bigyang-pugay ngayong 'Araw ng mga Kababaihan' sa pagsasagawa ng ganitong exhibit. Ang paghahabi ng patadyong ang kanilang kabuhayan kung kaya’t patuloy ang suportang ibinibigay natin sa industriyang ito,” ani Legarda. - Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.