PatrolPH

Paalala ng derma: Hygiene, hydration mabisa kontra body odor

ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2020 03:43 PM | Updated as of Mar 09 2020 03:54 PM

Watch more News on iWantTFC

Namomroblema ka ba sa mabahong amoy na iyong katawan tuwing ikaw ay pinapawisan?

Ipinayo ng isang doktora ang madalas na pagligo, paggamit ng magandang antibacterial na sabon, at pag-inom ng maraming tubig para maiwasan ang pagkakaroon ng body odor o mabahong amoy sa pagpapawis.

“Kailangan talaga ‘yong hygiene... importanteng maligo, kung puwede araw-araw lalo kapag mainit. Puwede naman ‘yong mabilis na ligo,” anang dermatologist na si Katty Go sa programang “Good Vibes” ng DZMM.

“Saka using a very good soap to remove the skin germs, makatutulong nang malaki,” dagdag ni Go.

Nakatutulong daw sa pagbawas ng mabahong amoy ng katawan ang paggamit ng mga antibacterial soap, ointment o cream.

Ang body odor kasi ay bunga ng paghahalo ng pawis at mga bakteryang nakadikit sa balat ng tao, ayon kay Go.

“’Yong bacteria ng skin, medyo nagiging active sila kapag moist ‘yong skin. Because of that, nagkakaroon ng amoy,” aniya.

Bukod sa pagtanggal ng mga bakterya sa katawan, ipinayo rin ni Go ang pag-inom ng hindi bababa sa 8 to 10 baso ng tubig kada araw.

“Malaking tulong iyong nagagawa ng tubig,” sabi niya.

“Kapag pinagpawisan ka, you’re loosing water so you need to replenish it again. Kung ‘di mo ‘yon na-replenish, baka lalong uminit pa ‘yong katawan mo, lalo kang magpapawis,” paliwanag ng doktora.

Epektibo rin daw ang paggamit ng mga deodorant laban sa body odor pero kadalasan ay nagdudulot ito ng pangingitim ng kili-kili.

Kapag nagdulot ng pangingitim, puwede naman din daw subukan ang paggamit ng mga talcum at baby powder.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.