ALAMIN: Paunang lunas kapag napaso, nasunog ang balat

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2020 05:20 PM

Watch more in iWantTFC

Ngayong "Fire Prevention Month" ibinahagi ng isang emergency medical expert kung ano-ano ang dapat gawin sakaling mapaso o masunog ang balat. 

Ayon kay Dr. Dave Dato, sakaling masunog o mapaso ang damit, agad dapat itong hinuhubad o kaya binubuhusan ng tubig. 

At kapag naalis na aniya ang pinanggagalingan ng paso o sugat, agad dapat binubuhusan ng running water ang parte ng katawan na napaso. 

"Tatanggalin mo 'yung source ng burn Halimbawa may nasusunog, kung kayang tanggalin, tanggalin mo na. Huhubarin mo 'yung jeans mo at bubuhusan mo ng tubig. Running water for 20 minutes," ani Dato sa programang "Good Vibes" ng DZMM. 

"After which, cover mo ng clean cloth tapos 'yon na punta ka na sa ER," dagdag niya. 

Kung walang running water, maaari aniyang gumamit ng kamatis o aloe vera. 

Bukod dito, may mga gumagamit ng yelo at toothpaste para lumamig ang parte ng katawan na napaso o nasunog. 

Pero hindi inirerekomenda ni Dato ang paggamit ng mga ito para maiwasan ang frostbite o kaya impeksyon. 

Hindi rin mainam ayon kay Dato ang pagputok ng ano mang paltos na makukuha ng isang biktima ng burn. 

Sakaling mahimatay ang biktima, dapat aniyang tanggalin ang mga nasusunog na damit at i-check ang ABC (airway, breathing, at circulation) at magsagawa ng cardiopulmonary resuscitation depende sa sitwasyon.

"Kung nahimatay, tanggalin ang mga nasunog na damit sinturon, necktie. Ang pinaka-first aid [is to check] airway, breathing, circulation. At basta gising ang pasyente, painumin ito ng tubig," ani Dato. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.