Bakit madalas inii-spoil ng lolo at lola ang mga apo?

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2019 05:56 PM

May reputasyon ang mga lolo at lola na mahilig mangi-spoil o magpalaki sa layaw sa kanilang mga apo sa halip na maging katuwang ng magulang sa pagdidisiplina sa mga ito.

Madalas ay hindi talaga papel ng lolo at lola ang pagdidisiplina sa mga apo dahil responsibilidad na ito ng mga magulang, ayon sa clinical psychologist na si Dr. Honey Carandang.

"Ang lolo at lola, pinalaki na niya, dinisiplina na niya 'yong anak niya tapos 'yong anak niyang 'yon, may anak. So 'yong kaniyang job na disiplinahin 'yong anak niya, tapos na siya doon," sabi ni Carandang sa programang "Sakto" ng DZMM.

"Ngayon, ang pagdidisiplina doon sa anak ng anak niya, sa apo niya, ay nasa nanay at tatay na ang role," paliwanag ni Carandang, founding president ng MLAC Institute for Children and Families, Inc.

Nagiging responsibilidad na lang aniya ng mga lolo at lola ang pagdidisiplina sa mga apo kapag wala ang magulang para sa kanilang mga anak, gaya ng mga magulang na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Nagpaalala rin si Carandang na hindi tama para sa mga lolo at lola ang magpasiya para sa mga bata kung nariyan naman ang mga magulang.

Halimbawa, ani Carandang, kung magpapaalam ang apo sa lolo at lola ay dapat munang konsultahin o sabihan ng mga ito ang magulang bago magbigay ng pasya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.