ALAMIN: Sanhi ng kahirapan sa pagkontrol ng pag-ihi

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2019 02:50 PM | Updated as of Mar 06 2019 03:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa ka ba sa mga taong kapag unang beses pa lang maramdaman na kailangan nang umihi ay napapatakbo na agad sa palikuran dahil hirap sa pagpigil nito?

Ayon kay Dr. Samuel "Sam" Yrastorza, tinatawag na urinary incontinence ang kondisyon kung saan hirap ang isang taong kontrolin ang kaniyang pag-ihi.

"Ibig sabihin, tulo na ng tulo ang ihi. Normally kasi kapag puno ang pantog mo, kaya mong i-control 'yon," sabi ni Yrastorza sa programang "Good Vibes" ng DZMM.

"Incontinence is... 'pag na-feel mo na naiihi ka, kailangan mo nang tumakbo kaagad sa CR because baka mamaya biglang lumabas na, hindi mo na nako-control. Ayaw mo pang lumabas ang ihi but it comes out," paliwanag ni Yrastorza, tagapangulo ng Philippine Urological Association.

Madalas daw ang naturang kondisyon sa mga babae gawa ng urinary tract infection o impeksiyon sa daanan ng ihi, at sa mga lalaking may edad 45 pataas dahil sa problema sa prostate.

Karaniwan din daw ito sa mga bagong panganak hanggang sa mga batang edad 7 pero kapag lumagpas na, ani Yrastorza, ay kailangan nang magpakonsulta sa doktor.

Ipinayo ng doktor na iwasan ang pagpigil sa ihi.

Para sa mga may urinary incontinence, may mga gamot na ibinigay ang mga doktor na nakatutulong sa pag-"relax" ng bladder o pantog, ayon kay Yrastorza.

Nagbibigay rin umano ng pagsasanay ang mga doktor para matuto ulit makontrol ang pag-ihi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.