PatrolPH

Mga babaeng may myoma mahihirapan bang magbuntis?

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2020 02:46 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Kadalasang nagkakaroon ng myoma – o bukol sa matres – ang babae kapag siya ay nasa reproductive age o edad na maaari siyang magbuntis. Pero nakasasama ba ang naturang kondisyon sa pagdadalantao?

Ayon sa obstetrician-gynecologist na si Judy Ann Uy-De Luna, hindi nahihirapan sa pagbubuntis ang babae kahit siya ay may myoma pero kailangan pa ring obserbahan ang bukol, lalo kung malaki ito.

“May mga pasyente kami na kahit may myoma sila, may kapasidad pa rin na magbuntis at manganak,” ani De Luna sa panayam ng “Good Vibes” ng DZMM.

Kapag umabot na sa 6 centimeters ang myoma ay binabantayan na umano ito ng mga doktor.

“Kapag patuloy na lumalaki, nagko-cause ng abnormal bleeding o compression symptoms, we give interventional options na sa pasyente,” aniya.
    
Bukod sa mga nasa edad na maaaring magbuntis, kadalasan ding nagkakaroon ng myoma iyong mga babaeng maagang nagreregla at overweight, anang doktora.

Puwede rin umanong magsanhi ng myoma ang paninigarilyo at pag-inom ng alak.

Bagaman bukol, nilinaw ni De Luna na hindi naman “cancerous” ang myoma.

Isa sa mga karaniwang sintomas ng myoma ay ang pagbabago sa menstrual cycle pattern o pagreregla, gaya ng kapag lumagpas ito nang 7 araw o kapag malakas ang pagdudugo.

Sintomas din ng myoma ang pananakit sa bahagi ng pelvis, paglaki ng tiyan o puson, at madalas pag-ihi.

“Iyong myoma na lumalaki doon sa matres, nakadagan sa pantog. ‘Yon ‘yong mga compression symptoms tapos eventually, it would cause pelvic pain,” ani De Luna.

Ayon sa doktora, may mga gamot naman na maaaring magpatunaw sa bukol at kung hindi man ito epektibo ay puwedeng sumailalim ang babae sa surgery o operasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.