PatrolPH

'White lady' na nakaangkas sa motorsiklo nasapul sa CCTV?

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2019 02:33 PM

'White lady' na nakaangkas sa motorsiklo nasapul sa CCTV? 1
Nahagip ng CCTV sa bayan ng San Rafael, Bulacan ang isang pigurang sinasabing "white lady" na nakaangkas umano sa motorsiklong sinasakyan ng dalawang lalaki. Screenshot sa Rated K

Sa kahabaan ng isang kalye sa Barangay Caingin sa bayan ng San Rafael, Bulacan, sinasabing may isang "white lady" na nagpaparamdam sa mga dumadaang motorista. 

Pinaniniwalaang ang naturang white lady ang nahagip sa closed-circuit television (CCTV) noong nakaraang buwan na nakaangkas sa motorsiklong sinasakyan ng magkaibigang Arjay Abarte at John Narvie Luz, na nauwi sa aksidenteng ikinasawi ni Arjay. 

Ihahatid sana pauwi ni Arjay si Narvie noong gabi ng Pebrero 10 galing sa isang inuman nang bigla silang sumalpok sa poste ng ilaw sa pakurbang bahagi ng kalsada sa Barangay Caingin, kuwento ni Narvie.

Ayon kay Narvie, maingat si Arjay sa daan, at tahimik pa raw ito at mistulang nagko-concentrate sa pagmomotor bago sila sumalpok.

Hindi naman matanggap ni Belden Balansag, ama ni Arjay, ang pagkamatay ng anak kaya ipina-review niya ang kuha ng CCTV sa aksidente.

"Bumalik ako dito kasi mag-iimbestiga pa ako kung ano nangyari talaga," ani Balansag.

Watch more on iWantTFC

Sa pag-review ng CCTV, makikita ang pigura na mistulang babaeng nakaputi na pinaniniwalaang white lady.

Ayon kay Romeo Luz, lolo ni Narvie, pagkapalipat pa lang niya sa San Rafael noong 1997 ay madalas na raw siyang makakita ng white lady sa lugar.

Subalit, ani Romeo, hindi naman daw nananakit ang white lady kundi mistulang nagbabantay at nagmamasid lang.

Naniniwala rin si Romeo na ang white lady ang nagligtas kay Narvie lalo at galos lang ang tinamo nito sa aksidente.

Kuwento rin ng kagawad na si Rolando Bautista, madalas daw talagang magpakita sa kurbada ang white lady at madalas din ang mga aksidente.

"May naaaksidente sa lugar na 'yon kasi nga kurbada 'yon sa lugar na 'yon," ani Bautista.

Ayon pa kay Bautista, magpapagawa ang barangay ng mga bagong palatandaan sa may kurbada para makaiwas sa aksidente.

Kinonsulta ang kababalaghan sa paranormal expert na si Tony Suvega, na nagsabing hindi raw white lady kundi "engkantada" ang nagpaparamdam. 

Nakatira rin daw ito sa abandonadong bahay sa lugar.

"Napakabait po, ang totoo niyan mapalad ang barangay ng Caingin na sila ay may protektor na kagaya nito," ani Suvega.

Hindi rin kumbinsido si Val Cuenca, head ng camera operations sa ABS-CBN Integrated News and Current Affairs (INCA), na white lady ang nasa kuha ng CCTV.

"Sa tingin ko, tao ito eh, ito 'yong naka-motor, hindi ito 'yong white lady," ani Cuenca.

Totoo man o hindi ang white lady sa Barangay Caingin, ibayong pag-iingat para rin ang ipinapayo sa mga motorista.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.