ALAMIN: Mga sakit na nakukuha sa swimming pools

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2018 04:18 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagbabadya na ang panahon ng tag-init kaya marami na naman ang nagbabalak na magtampisaw sa mga swimming pool para magpalamig.

Isa sa mga karaniwang dinadagsa ay ang mga pampublikong swimming pool, lalo at mura ang halaga ng entrance fee.

Sa programang "Salamat Dok," nagbabala ang infectious disease expert na si Dr. Rey Salinel Jr. hinggil sa tinatawag na "recreational water diseases" o iyong mga sakit na maaaring makuha sa mga swimming pool.

Ang mga virus o bacteria na dala ng bawat nakababad sa swimming pool ay maaari umanong pagmulan ng mga sakit sa balat at diarrhea, lalo kung nakapapasok ang tubig ng pool sa katawan ng tao.

"Naiinom, pumapasok sa mata, pumapasok sa ilong, pumapasok sa tenga [kasi] nakalubog ka eh, edi buong katawan mo puwedeng makuha," ani Salinel.

Kabilang sa mga sakit at bacteria na maaaring makuha sa mga swimming pool ay salmonella, E. coli, cholera eltor, leptospirosis, at gastroenteritis.

Posible naman umanong maiwasan ang mga sakit na ito kung ang mga pool ay regular na nililinis.

"Kailangan everyday iyong treatment," ani Socrates Exebia Jr., isang maintenance staff sa isang water park sa Pasig.

Ilan sa mga paraan ng paglilinis ng mga swimming pool ay ang pool treatment at filtration.

Nilalagyan ang swimming pool ng hose at vacuum head para salain ang dumi sa tubig, o kaya ay nilalagyan ng mga kemikal tulad ng chlorine, acid, at potassium para mapuksa ang mga bacteria.

Mahalaga ring maging mapanuri sa kulay ng tubig ng swimming pool. Ang kulay berde at malabong tubig ay ilan sa palatandaang marumi ang tubig.

Pero ayon kay Salinel, kahit lagyan ng mga chlorine at iba pang kemikal ay nawawala ang epekto nito kapag masyadong marami ang bacteria.

Mainam, ani Salinel, sa mga magbababad sa swimming pool na maging malinis sa katawan at magkaroon ng malakas na resistensiya. 

Ugaliin umanong magbanlaw bago at pagkatapos lumusong sa swimming pool. 

Alamin ang iba pang kalusugan tips ng "Salamat Dok" sa Facebook (www.facebook.com/ABSCBNsalamatdok/) at Twitter (twitter.com/salamatdok).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.