Pinabulaanan ng isang doktor ang paniniwalang puwedeng uminom ng gatas ang mga taong nakararanas ng hyperacidity o pangangasim ng sikmura.
Ang gatas ay isang dairy product na kabilang sa mga grupo ng pagkain at inuming puwedeng mag-trigger o maging sanhi ng hyperacidity, ayon sa gastroenterologist na si Ruter Maralit.
Puwede rin daw magdulot ang dairy products ng dyspepsia o iyong pakiramdam ng discomfort o pananakit sa sikmura, ani Maralit.
“Ang common misconception ng iba, akala nila kapag maasim ‘yong sikmura, iinom sila ng gatas kasi hindi raw siya acidic pero puwede siyang mag-trigger ng dyspepsia,” sabi ng doktor sa programang “Good Vibes” ng DZMM.
Bukod sa dairy products, maaari rin umanong magdulot ng pangangasim ng sikmura ang mga pagkain o inuming maasim, pagkaing maanghang, pagkaing makamatis, at mga inuming carbonated o caffeinated gaya ng softdrinks, kape at tsaa.
Bukod sa pagkain, nagdudulot din ng hyperacidity ang paninigarilyo at madalas na pag-inom ng alak, ani Maralit.
Puwede rin umanong maging sanhi ng hyperacidity ang mga bakterya o iniinom na gamot dahil maaari raw mamaga o mairita ang sikmura sa mga ito.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, hyperacidity, dyspepsia, gatas, dairy products, kalusugan, DZMM, Good Vibes