Paano mapoprotektahan ang anak sa social media?

ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2019 03:02 PM

Hindi dapat isinasapubliko ang lahat ng posts sa social media account dahil maraming masamang loob na maaaring manamantala, ayon sa isang technology expert. 

Binitiwan ni Mark Milan Macanas, ang utak sa likod ng technology blog na TechPinas, ang babala sa gitna ng pagtalakay ng mga paraan para maprotektahan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa social media.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kapag nagda-download ng social media apps, awtomatiko raw na naka-"public" ang privacy settings o puwedeng makita ng lahat ang mga post.

"Ang settings talaga niyan ay default, kumbaga, halos public lahat... Nasa sa iyo 'yon kung paano mo siya itutuwid na gawing mas private para sa anak mo o siguro para sa iyo na rin," sabi ni Macanas sa programang "Sakto" ng DZMM.

Kaya sa Facebook, halimbawa, inirerekomenda ni Macanas na palitan ang settings sa "Friends Only" kung saan mga kaibigan lamang ng taong nag-post ang makakakita sa post.

Marami na raw masasamang loob sa social media na maaaring magnakaw ng mga post ng isang tao.

"Napakadaling i-save and then 'pag nakuha na 'yan ng kung sino mang... masamang loob, madali na nilang i-share 'yan," ani Macanas.

Pero bukod sa pagpalit ng privacy settings, mahalaga rin daw na nakakausap ng mga magulang ang kanilang mga anak ukol sa aktibidad ng mga ito sa social media.

"Hindi lang 'yong parang siguro physically present ka kundi nagko-converse din kayo about ano ba 'yong mga pinapanood nila," aniya.

Nang tanungin kung dapat pa bang payagan ang mga bata na gumamit ng social media sa gitna ng mga banta sa seguridad, sinabi ni Macanas na nakatutulong naman ang social media para maging konektado ang bata at mahasa ang kaniyang communication skills. 

"Sa panahon kasi ngayon, mahalaga 'yong connectedness," ani Macanas.

Nakasalalay daw talaga sa mga magulang ang pagbantay sa mga anak para maiwasang mapahamak.

Naging usap-usapan muli kamakailan ang kaligtasan ng mga bata sa social media matapos maiulat ang "Momo challenge," isa umanong online challenge na naghihimok sa mga bata na saktan ang kanilang mga sarili.

May ilang fact checking group naman ang nagsabing "hoax" o walang katotohanan ang "Momo challenge."

"Hoax" man o hindi, sinabi ni Macanas na mahalaga pa ring tutukan ang "nakikita ng mga anak natin sa internet kasi mayroon talagang mga totoong threats."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.