Public auction ng mga liham ni Andres Bonifacio, umabot sa P16.2 milyon

ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2018 07:42 PM | Updated as of Oct 27 2018 08:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umabot sa mahigit P16 milyon ang halaga ng mga sulat ng bayaning si Andres Bonifacio nang ipasubasta ang mga ito sa Makati, Sabado.

Isinagawa sa Leon Gallery ang public auction ng tatlong sulat ni Bonifacio kay Emilio Jacinto, ilang linggo bago siya arestuhin at patayin, at isang dokumento na nagtatalaga kay Jacinto bilang opisyal ng Katipunan.

Nag-umpisa ang pagsusubasta ng mga sulat sa halagang P500,000.

Isa ang aktor na si Robin Padilla sa mga nakilahok sa pag-asang kahit dalawa sa mga ito ay mapunta sa kaniya. 

Para kay Padilla, mahalaga ang pagkabayani ni Bonifacio, na ginampanan pa niya sa pelikulang "Bonifacio: Ang Unang Pangulo" noong 2014.

Bigo ang aktor na mapanalunan ang subasta.

Ayon sa curator na si Lisa Guerrero-Nakpil, nagsara sa P16.2 milyon ang pagsusubasta sa tatlong sulat at sa appointment letter.

Gagawing pondo para sa mga scholars ng Asian Cultural Council ang halaga ng subasta

Hindi rin nila maibubunyag sa publiko kung sino ang nanalo.

--Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.