'ASAP TLC': Magkatrabahong madalas mag-away, paano nagkatuluyan?

ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2018 04:22 PM | Updated as of Oct 27 2018 04:34 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

"The more you hate, the more you love."

Tila angkop ang kasabihan na ito sa kuwentong pag-ibig nina Claire Orbista at Josh Arquero na itinampok sa segment na "TLC" ng "ASAP" nitong Linggo.

Noong una kasing magkakilala sina Orbista at Arquero, hindi kaagad naging maayos ang kanilang relasyon.

"Nagkakilala po kami sa fastfood. Ako po ay [sa] counter, siya naman ay [runner]," kuwento ni Orbista.

Madalas umanong utusan ni Orbista si Arquero kaya madalas rin ang kanilang bangayan.

"Kapag siya talaga po 'yung kasama ko sa counter, parang nape-pressure ako palagi," ani Arquero.

May isa pa umanong insidente na nagalit si Orbista kay Arquero dahil natapon nito sa sahig ang dala-dalang mga apa ng ice cream.

Si Orbista pa umano ang nakasagi kay Arquero.

Hindi rin pinayagan ni Orbista na umuwi ng maaga si Arquero kahit na masama ang pakiramdam nito.

Dahil dito, naging malayo ang loob nina Orbista at Arquero.

Ngunit nagbago ang lahat dahil sa isang pangyayari.

"Naging close lang kami ni Josh nu'ng muntik na kaming maaksidente sa motor. Naiyak ako sa kaniya; siya, nandiyan lang, nagko-comfort lang," ani Orbista.

"Doon ko nalaman na okay pala si Claire; sa trabaho lang siguro kaya nagkakaganoon siya," sinabi naman ni Arquero.

Pagkatapos ng insidente, naging magkaibigan sina Orbista at Arquero, at kinalaunan ay naging magkasintahan.

Sa ngayon ay halos apat na taon ng magkasintahan ang dalawa.

Mayroon na rin silang isang anak.

"Hindi ko rin akalain na kami nga ang magkakatuluyan, kasi nga talagang war kami palagi," ani Arquero.

Handog nina Erik Santos, Daryl Ong, Angeline Quinto, at Kyla ang awiting "Accidentally In Love" para kay Orbista at Arquero.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.