PatrolPH

Suka nakatatanggal ba ng impeksiyon sa tainga?

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2020 03:12 PM | Updated as of Mar 02 2020 03:16 PM

Watch more News on iWantTFC

Nakasanayan noon ang paggamit ng suka laban sa fungal infection sa loob ng tainga pero sinabi ng isang doktor na hindi na ito nirerekomendang gawin ngayon.

“Ang suka, dati ginagamit ‘yan noong unang panahon pero ang gamit ng suka ay para sa fungal infection,” anang ear, nose and throat specialist na si Archie Ramos nang tanungin sa “Good Vibes” ng DZMM kung nakatatanggal ba ang suka ng tutuli sa tainga.

Nilinaw ni Ramos na fungal infection at hindi tutuli ang nasosolusyonan ng suka.

Ang fungal infection ay bunga ng pagkatuyo o pagkawala ng acidic pH ng tainga, ayon kay Ramos. Isa rin umano ito sa mga sanhi kaya humihina ang pandinig na tao.

“’Yon ang principle niya, kaya pinapatak ‘yong vinegar, para ‘yong acidic pH maibalik,” paliwanag ni Ramos.

Nang tanungin kung puwede pa rin bang gamitin ang suka ngayon, tugon ni Ramos: “Hindi... may mga gamot na mas proper para doon sa situwasyon.”

Pero may mga pasyenteng gumagamit pa rin ng suka dahil walang bisa sa kanila o allergic sila sa mga antibiotic.

Mainam pa rin umano ang pagpapatingin sa doktor sakaling nakararamdam ng problema sa tainga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.