Pamilya sa Pasig nag-aalaga ng higit 30 parrot

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2020 01:07 PM

Watch more in iWantTFC

Hindi aso o pusa ang inaalagaang mga hayop ng Pamilya Murillo ng Pasig kundi ang mga naggagandahan at makukulay na parrot. Sa katunayan, nasa 30 ibon ang itinuturing ng mag-anak na miyembro ng kanilang pamilya.

Taong 2012 nang unang magkaroon ng parrot ang pamilya Murillo.

“May nag-alok sa’kin ng dalawang pair... Binenta niya sa’kin ‘yon tapos noong time na ‘yon, parang nandoon lang siya sa baba, naka-cage lang siya,” kuwento ng ina na si Maribel.

Pero napagtanto ni Maribel na hindi dapat mamalagi sa loob ng hawla ang mga alaga matapos niyang makita kung gaano kaganda ang mga ito tuwing lumilipad nang minsang makawala.

Kalaunan ay pati asawa at mga anak ni Maribel ay nahilig na rin sa mga parrot. Katunayan, malayang nakalilipad sa loob ng bahay ang mga ibon at kasama rin ng mag-anak na kumain at matulog.

“Ang turing namin sa kanila [ay] family members, kasi para maging tame sila, kailangan talaga ng bonding,” sabi ng anak na si Gene.

Bukod sa pagpapakain sa mga parrot, ang pamilya Murillo na rin ang nagtuturo sa mga ito kung paano makalipad.

Pero hindi lahat ng parrot na pinapakawalan ng pamilya para lumipad ay bumabalik.

“Hindi ‘yan katulad ng kalapati na ang taas ng homing instinct,” paliwanag ng zoo and wildlife veterinarian na si Romulo Bernardo.

“Kailangan mong turuan [ang parrot] para ma-attain mo ‘yong bumabalik siya sa’yo, hind sila gaano bonded sa tao,” aniya.

Tingin ng Pamilya Murrilo ay kaya bumabalik ang mga parrot sa kanila ay dahil sila na ang nagpalaki sa mga ito at itinuturing ding mga kapamilya.

Sumali pa si Gene sa grupo ng mga nag-aalaga ng parrot.

Sa mga alaga, ang mga Macaw parrot umano ang pinakamalambing sa lahat.

“Parang nakakatanggal ng stress,” ani Maribel.

Pero iginiit ni Bernardo sa mga gustong mag-alaga ng parrot na hindi ito basta-basta, lalo at napalakas ng kagat ng mga hayop.

“Kalimitan tinitingnan natin sila (parrots) as nakakatuwa, especially kapag nakita mo sa video ‘yong mga kaya nilang gawin, pero marami drawbacks sa pag-aalaga niyan,” ani Bernardo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.