TINGNAN: Mga patok na produkto sa 'Session Road in Bloom' sa Baguio

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 03:40 PM | Updated as of Oct 18 2018 06:36 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa 500 ang stalls sa 'Session Road in Bloom' sa Baguio City. Pero may ilang agaw-pansin. 

Ilan dito ay ang makukulay na recycled glass bottles mula sa Marinduque. Ginawa itong lampara, chimes, at candle holders.

Mabibili ang lampara sa presyong two-for-P180, habang nasa P50 hanggang P70 ang chimes na maaaring isabit sa pinto, o gawing dekorasyon sa kuwarto.

Ang candle holders na elegante ang disenyo, mabibili sa halagang P60 hanggang P180, depende sa laki.

Ibinebenta naman sa isang tindahan ang makukulay na hanging lamp shades mula Istanbul, Turkey.

Mas nakakaakit ito kapag inilawan dahil sa kulay na ibinibigay ng crystals na nakadikit dito.

"I realize na walang ganitong designs sa Philippines. So, naisipan kong mag-join sa Panagbenga," ani Moriah dela Cruz, tindera ng lamp shades. 

Nagkakahalaga naman ito ng P2,500 hanggang P4,000.

Sa pakikiisa sa flower festival, tampok naman sa isang tindahan ang mga flower head dress na nagkakahalaga ng P80 hanggang P160.

Noong unang panahon, naging simbolo umano ang pagsusuot nito ng pagmamahal, kasaganahan, at pagdiriwang.

Ang negosyante namang si Roy Comeda, ginawang negosyo ang hilig sa paggawa ng dreamcatchers. 

Nasa P100 hanggang P2,500 ang presyo ng mga ito. --Ulat ni Marianne Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.