Paano palalakihin nang wasto ang anak katuwang sina lolo at lola?

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 08:43 PM | Updated as of Feb 28 2018 09:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May mga pagkakataon na nagiging katuwang ng mga magulang sa pagpapalaki ng kanilang mga anak sina lolo at lola.

Kadalasan nangyayari ito kapag ang isa o pareho sa mga magulang ay nangingibang bansa o abala sa trabaho, o kapag nakatira ang isang pamilya kasama ang mga extended family member.

Subalit hindi rin maiwasan na magkaroon ng pagkakaiba sa mga istilo ng pagpapalaki ng mismong mga magulang ng bata at ng kaniyang lolo at lola.

Ayon sa relationship at parenting expert na si Aiza Caparas-Tabayoyong, mainam na pakinggan kung anumang payo ang ibinabahagi nila lolo at lola pero dapat ay magtakda rin ng mga hangganan ang mga ito.

"Importante na maririnig [nila lolo at lola] na mayroon pa rin silang say, nirerespeto at ginagalang pa rin iyong years of wisdom and experience, pero may request na may boundaries," sabi ni Tabayoyong sa programang "Sakto" ng DZMM.

Payo ni Tabayoyong, dapat ang magulang na mismong anak nina lolo at lola ang kumausap sa kanila sakaling may problema para walang sama ng loob kay manugang.

"Halimbawa, iyong asawang lalaki, deretsong magulang niya iyon (kasama sa tirahan), siya iyong kakausap," aniya.

"Hindi lang pagdating sa pagdidisiplina [ng anak], pati iyong usapang mag-asawa, mayroon kaming sariling buhay."

Bagaman sumasalamin umano sa pagpapahalaga ng mga Pinoy sa pamilya ang paninirahan kasama ang mga biyenan, dapat sa kalaunan ay bumukod umano ang mag-anak.

"Kasi mahirap na forever silang may power struggle," ani Tabayoyong.

Dapat din umanong ipakita ng mag-asawa sa harap nina lolo at lola na sila ay laging magkakampi. 

Sakaling nasa gitna ng sitwasyon na may hindi pagkakasundo, mainam na pakinggan din ng magulang sina lolo at lola.

"Kung ano mang concern niya, imbes na deretsong kontra, puwedeng pag-usapan," ani Tabayoyong.

Sa maayos na pakikipag-usap aniya makahahanap ng pagtutugma sa gitna ang magkabilang panig.

Dagdag pa ni Tabayoyong, kung ayaw magpatalo ni lolo at lola ay maaaring magbanggit ang magulang ng eksperto na batayan ng kaniyang pasya.

"Kung ayaw maniwala sa inyo, ask the help of an expert para mas may credibility," aniya.

Pinaalala naman ng panauhing si Marc Logan na maging maingat sa pagpapaliwanag kina lolo at lola dahil kasama sa pagtanda ang pagiging mas maramdamin.

"Huwag natin kalilimutan na age din goes with pagiging sensitive," ani Logan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.