Ihi ginamit ng mga estudyante sa imbensiyong lumilikha ng kuryente

ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2018 12:04 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagtagisan sa mga natatanging imbensiyon ang ilang estudyante mula sa 26 na eskuwelahang lumahok sa isang kompetisyon.

Isa sa mga tampok na imbento ng mga mag-aaral ay ang "Pee for Power."

 

Galing sa ihi ng tao ang likidong nakalagay sa isang plastic na boteng pinagkokonektahan ng mga kable.

Kapag inalog ang aparato, dumadaloy ang kuryenteng kaya raw mag-charge ng cellphone.

Prototype o panimulang modelo pa lang ito ng imbensiyong nais sana ng mga estudyante na makapag-supply ng kuryente sa mga kabahayan. 

Ayon sa mga estudyanteng nag-imbento nito, puwedeng kalauna'y ikonekta na lang sa daluyan ng ihi sa mga banyo ang kanilang imbensiyon para magamit sa pagsu-supply ng kuryente.

PORK FAT 

Inimbento naman ng isa pang grupo ng mga estudyante ang biodiesel mula sa taba ng baboy.

Ayon sa mga mag-aaral, para hindi masayang ang taba ng baboy o mantikang maaaring makabara sa mga pinagtatapunan nito at nagdudulot pa ng polusyon, naisip nilang gawing langis ang pork fat.

Kakayanin daw nitong magpaandar ng makina ng sasakyan.

Kapag nagkataon, mainam din daw ang kanilang imbensiyon para sa kalusugan dahil mahihikayat ang mga kumakain na alisin ang taba ng baboy sa kanilang mga ulam para gawin na lang itong biodiesel.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.