ALAMIN: Mga sintomas ng colon cancer, paano ito maiiwasan

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 07:43 PM | Updated as of Feb 28 2018 09:09 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ang colon cancer, o sakit sa bahagi ng malaking bituka ng isang tao, ay isa sa pinakapangkaraniwang cancer sa mundo.

Nagsisimula umano ang colon cancer sa pagkakaroon ng polyp o maliliit na bukol sa malaking bituka. 

Dumadami ang nagkakaroon ng ganitong sakit, kaya maigi umanong magpatingin nang maaga kahit wala pang nararamdaman, ayon sa isang gastroenterologist.

"Ang standard kasi, lahat tayo, pagdating ng mga 45 to 50 years old, maski walang nararamdaman, mas maganda, naii-screen na," pahayag ni Dr. Roel Leonardo Galang sa programang 'Good Vibes' nitong Martes. 

Ngunit kung mayroong kasaysayan ng colon cancer ang pamilya, o nakakaranas na ng mga nakakaalarmang sintomas, dapat umanong magpatingin na sa doktor kahit wala pa sa nasabing edad.

Ayon kay Galang, ang mga nakakaalarmang sintomas na dapat bantayan ay ang biglang pagbaba ng timbang, pagbabago sa pagdumi, at pagkakaroon ng anemia o kakulangan ng red blood cells sa dugo.

Colonoscopy at Endoscopy

Madali umanong malaman kung mayroong colon cancer, ayon kay Galang.

"'Yung cancer ng malaking bituka, about 95 percent, mape-predict namin, lalo na 'yung ugali," anang doktor.

Ayon pa dito, nasa 5 hanggang 10 taon umano ang aabutin bago lumaki ang polyps, o mga maliliit na bukol sa bituka.

Nakikita umano ang polyps sa bituka sa pamamagitan ng colonoscopy at endoscopy, ayon kay Galang.

Sa medical procedure na ito, ipinapasok ang isang espesyal na telescope sa bituka ng isang tao. May instrumento din umano na sinasama sa telescope para malinis at matanggal ang mga bukol sa bituka.

Sa pamamagitan umano nito, maaaring matanggal ang mga delikado o "potentially cancerous" na bukol nang maaga.

Paano maiiwasan ang sakit na ito?

Payo ng doktor, ugaliing mag-ehersisyo, kumain nang tama, at panatilihin ang tamang timbang para makaiwas sa colon cancer.

Aniya, dapat umanong kumain ng gulay at prutas, sa halip na processed o sunog na karne.

Maaari pa rin naman umanong kumain ng karne pero dapat ay may "moderation."

Iwasan din umano ang paninigarilyo at pag-inom ng alak para bumaba ang tsansa ng pagkakaroon ng ganitong sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.