PatrolPH

Toxic positivity: Bakit di maganda ang pagiging laging positibo?

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2020 03:48 PM | Updated as of Feb 27 2020 03:57 PM

Watch more News on iWantTFC

Bagaman mahalaga ang pagkakaroon ng positibong pananaw sa buhay, wala naman mali kung hahayaan natin ang sarili na makaramdam ng mga negatibong emosyon, gaya ng kalungkutan at takot.

“Toxic positivity” ang tawag sa konseptong kung saan panay positibong emosyon na lamang ang nararamdaman ng isang tao, na umaabot sa puntong isinasantabi na nito ang mga negatibong emosyong dapat din naman nitong maramdaman, ayon sa psychiatrist na si Jerome Go.

“Hindi nakakabuti ‘yong masyado kang positive,” ani Go.

“Naisasantabi o nababalewala mo ‘yong mga negatibong emosyon na parte naman ng karanasan ng isang tao... kasi likas sa atin ang mga negatibong emosyon,” dagdag ng doktor.

Kabilang sa mga nabanggit ni Go na mga positibong pag-ugali ay ang pagiging masiyahin at laging may pag-asa o magandang pagtingin sa kinabukasan.

Ilan naman umano sa mga negatibong emosyon ay kalungkutan, takot, at pag-aalala sa hinaharap.

Halimbawa ni Go sa isang taong may “toxic positivity” ay iyong taong magsasabi ng “Look at the positive side, okay lang ‘yan” sa kaniyang kakilalang dumaan sa sunod-sunod na masamang karanasan, kabilang ang ma-flat-an ng gulong, makatapak ng dumi, at matapunan ng kape.

“Kailangan mai-acknowledge na may hindi magandang nangyari at pagkatapos noon, try mo siyang i-motivate para maging positibo ang hindi magandang karanasan,” ani Go.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.