PatrolPH

Duterte, binuksan ang bahay para sa cancer patients

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2019 03:39 PM | Updated as of Feb 27 2019 03:46 PM

Duterte, binuksan ang bahay para sa cancer patients 1
Taong 2012 pa nang huling ipinagamit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang bahay sa mga cancer patient upang dito manirahan habang nagpapagamot sa Southern Philippines Medical Center. Claire Cornelio, ABS-CBN News

DAVAO CITY - Labis ang tuwa ng House of Hope Foundation for Kids with Cancer Incorporated nang ipagamit sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bahay nito sa Margarita Village sa JP Laurel Avenue sa lungsod na ito noong Disyembre 2018.

Taong 2012 pa nang huling ipinahiram ni Duterte ang kanyang bahay sa mga cancer patient upang dito pansamantalang manirahan habang nagpapagamot sa Southern Philippines Medical Center.

“Kami po sa foundation, we are very honored, we are very privileged po kasi history po iyan. Isang bahay ng presidente dinonate sa isang charity ng isang foundation. This year, in-announce sa board na meron kaming deed of donation from the president," sabi ni Fatima Disomimba, Vice-President ng House of Hope Foundation.

Malaki ang pasasalamat ni Ludigario Robles Sr. na taga-Bukidnon dahil libre silang nakatira sa bahay.

Magtatatlong buwan na sila sa Davao City dahil kasalukuyang ginagamot ang kanyang apo na may bone cancer.

“Di ko akalain na makakatira ako sa bahay ng pangulo," sabi ni Robles.

Bukas ang House of Hope Margarita sa mga cancer patient mula sa malalayong lugar. Libre ito at malapit lang sa Southern Philippines Medical Center.

"The children and their parents are staying here for free. May subsidy sila ng rice and other food and personal necessities. We cater to all patients from Mindanao. Lately, may outside Mindanao pa,” sabi ni Arlene Aporatdera, treasurer ng foundation.

Ang House of Hope Margarita ay pangalawa sa tatlong halfway houses ng House of Hope sa Davao City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.