ALAMIN: Paano alisin ang pesticide sa mga gulay

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 06:12 PM | Updated as of Oct 15 2018 01:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kadalasan ibinibida ang organic na gulay bilang alternatibo sa mga karaniwang gulay na itinitinda sa merkado dahil sa kawalan umano nito ng mga kemikal na nakasasama sa kalusugan.

Maituturing na organic ang gulay kapag hindi ito ginamitan ng pesticides at iba pang artificial chemicals. 

Sa halip, natural na mga pampataba gaya ng dumi ng hayop ang ginagamit sa pagtanim nito.

Ayon kay Sherwin Guerrero, isang eksperto sa organic vegetables, madalas ay may naiiwan pa ring mga residue o latak ng pesticide at mga kemikal sa mga gulay na ibinebenta sa pamilihan.

Kabilang sa mga palatandaan na may latak pa ng kemikal ang gulay ay kapag may mga mantsa itong kulay asul.

Maaari namang mawala itong mala-mantsang asul at magmukhang makinis ang gulay kapag nahugasan na umano ng mga nagtitinda, pero hindi umano nangangahulugang wala nang kemikal ang gulay.

"Kahit hinugasan nila ito, mayroon at mayroon maiiwang nanunuot sa loob," sabi ni Guerrero sa panayam ng programang "Salamat Dok."

Payo ni Guerrero ay hugasan ang gulay sa isang galon ng tubig na hinaluan ng apat na kutsara ng suka at dalawang kutsara ng asin.

Paalala ni Guerrero ay huwag ibabad nang matagal ang gulay dahil maaaring higupin lang ulit nito ang latak na natanggal na.

"Pumapasok [ulit] iyong residue habang tumatagal na nakababad sa tubig itong [gulay]," aniya.

Matapos ito ay buhusan o hugasan ng flowing water, gaya ng tubig mula sa gripo.

Bukod sa suka at asin, epektibo rin aniyang pang-alis ng pesticide at iba pang kemikal ang tubig na may baking soda.

Hinikayat din ni Guerrero ang mga mamimili na lumipat na lang sa organic na gulay bagaman may kamahalan ang presyo at kahirapang makahanap nito.

"Kaya mahal, kakaunti pa siya ngayon, iyong nagpo-produce, nakaka-access sa mga farmer natin na [gumagawa] ng organic, at kaunti iyong namimili," ani Guerrero.

Isa umano sa palatandaan na organic ang isang gulay ay kapag hindi makinis ang hitsura nito.

"Makikita mo itong parang mga butas na dinapuan ng insekto," ani Guerrero.

Nagbabala rin si Guerrero sa pagbili ng mga inangkat na gulay dahil naglalaman aniya ito ng mas maraming kemikal para mapreserba o mapatagal ang buhay nito habang di pa nailuluto o naihahain sa hapag.

-- May ulat ni Jing Castañeda, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.