Paano masasabing clinically depressed ang isang tao?

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2020 02:25 PM | Updated as of Feb 26 2020 02:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Madali para sa ibang tao na sabihing siya ay “depressed” kapag siya ay nakararanas ng kalungkutan. Pero ano nga ba ang mga palatandaan para masabing ang isang tao ay may clinical depression?

Sa programang “Good Vibes” ng DZMM, inisa-isa ni Jerome Go ang mga pamantayan nilang mga psychiatrist para matukoy kung ang isang tao ay nakararanas na ng mas malalang uri ng depresyon.

Una na rito, ayon kay Go, ay ang pagkaramdam ng matinding kalungkutan at iba pang sintomas nang derederetso sa loob nang mahabang panahon.

“Hindi siya panandalian lang... karaniwan ang aming limit ay at least 2 weeks na persistent ‘yong symptoms,” aniya.

“Laging malungkot. Most times of the day, depressed mood, mababa ‘yong pakiramdam,” dagdag niya.

Bukod sa kalungkutan, maaari ring clinically depressed ang isang tao kapag nagbago ang kaniyang ugali.

“Nawawalan [sila] ng gana sa mga dati nilang kinagigiliwan na mga bagay. So dati, mahilig siyang maglaro, biglang ngayon nagkukulong na lang,” paliwanag ni Go.

Apektado rin ng depresyon ang pang-araw-araw na gawain ng isang tao gaya ng pagtulog at pagkain.

“Puwedeng tulog nang tulog, puwedeng hindi natutulog,” ani Go.

Bahagi rin daw ng mga pamantayan ang self-blame o paninisi sa sarili, kahirapan sa pag-focus, at pag-iisip ng pagpapakamatay. 

Ayon kay Go, natutulungan ang mga taong may depresyon sa pamamagitan ng gamot at psychotherapy.

Tinuturuan din ng mga psychiatrist ang mga taong clinically depressed ng mga paraan para malampasan ang karamdaman.

“We talk to our patients. Napakahalaga na maunawaan natin kung ano ba iyong dahilan ng kanilang depresyon,” ani Go.

Binigyang diin din ni Go na bagaman may mga kaso ng depresyon na may trigger o sanhi, “minsan ang depression ay nangyayari kahit na walang dahilan.”

Para sa mga taong nangangailangan ng tulong, maaaring tumawag sa mga Hopeline hotline na 804-HOPE (4673); 558 HOPE (4673); at 2919 (toll-free number for all GLOBE and TM subscribers).
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.