PatrolPH

Sikhayan Festival sa Sta. Rosa, Laguna, muling idinaos

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2023 04:42 PM

Muling idinaos ang Sikhayan Festival sa Santa Rosa City, Laguna nitong Pebrero 18, 2023.

Hango ang Sikhayan sa salitang sikap at kabuhayan na naglalayong bigyang pagkilala ang pagsisikap ng mga mamamayan para maging mauland ang Santa Rosa.

Mula sa pagiging dating natutulog lamang na bayan , naiangat ng mga mamamayan ang kanilang lugar bilang isa sa pinakamaunlad na lungsod hindi lamang sa Southern Luzon kundi maging sa buong Pilipinas.

Dati ay isang agricultural at fishery area Santa Rosa pero ngayon ay isa nang highly urbanized city na tinagurian nang The Lion City.

Matatagpuan na ngayon sa lungsod ang iba’t ibang malalaking industriya na nagbibigay ng trabaho hindi lamang sa mga taga-Santa Rosa City.

Tema ng ika-24 na pagdiriwang ng Sikhayan Festival ang “sa pagsisikhay ng mamamayan, Santa Rosa, tuloy-tuloy ang kaunlaran”.

Ayon kay Mayor Arlene Arcillas, marami pang pagbabago na magaganap sa lungsod ng Santa Rosa.

“We have so many development and projects, yung area na ito makikita nyo magiging sports center, sports hub ang Santa Rosa, entertainment hub ang Santa Rosa not only business hub."

"Dahil nagkakaisa kami and we have partnership, participatory governance, government, industry and the private sectors,” pahayag ni Arcillas.

Sa pagdiriwang ngayong taon ng Sikhayan Festival, naging mas magarbo ito matapos ang pandemya.

Nagpasiklaban ang bawat barangay sa street dance competition kaya naman napuno muli ng ingay, kulay at saya ang mga kalye sa bawat performance ng mga kalahok.

"Noong pandemic nawala, syempre nawala yung saya ng santa rosa, ngayon nagbalik na,” sabi ni Dennis Diaz.

“Natutuwa po kami na mismong ang saya ng parade, kitang kita po naming yung bawat isa ay nag-eenjoy po habang naglalakad, habang nagsasayaw sa napakagandang music po ng sikhayan festival,” sabi naman ni Christian Ravelo.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.