Adik sa 'romantic rejection'? Psychologist may payo

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2019 01:32 PM | Updated as of Feb 25 2019 01:37 PM

May mga taong kahit ilang beses nang tinatanggihan, patuloy pa rin sa pagsuyo sa taong kanilang napupusuan.

Ayon sa isang psychologist, bagaman normal na bahagi ng buhay pag-ibig ang matanggihan o ma-reject, maaaring magkaroon ang isang tao ng adiksiyon sa pakiramdam na paulit-ulit na nire-reject ng kaniyang mga nagugustuhan.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Naaadik na siya na patuloy-tuloy siyang nare-reject. Ang kaniyang addiction is 'yong taong nanre-reject sa kaniya," sabi sa programang "Sakto" ng DZMM ni Dr. Lillian Ng Gui.

Maituturing din daw na "abuse" o pang-aabuso sa sarili kapag hinayaang paulit-ulit na makaramdam ng rejection mula sa iba-ibang tao, ayon kay Gui, na chairperson din ng counseling division ng Psychological Association of the Philippines.

"Ninanamnam nila 'yong pain, gusto nila 'yon eh. Sa kanila, 'yong rejection is something that they are used to and they cling to it, na parang 'yan ang bumubuhay sa kanila until the next person will come along," paliwanag ni Gui. 

"History will repeat itself. Eto na naman sila, ayaw sa kanila, gusto na naman nila. Paulit-ulit 'yong cycle. That's called an abuse."

Ayon kay Gui, base raw sa mga pag-aaral ay nag-uugat sa utak ang adiksiyon sa rejection.

"Nanggagaling iyan sa isang part ng brain niya... wherein motivation, reward, addiction and frustration is there," paliwanag niya.

Sinabi rin ng doktora na ang pag-iisip ng isang taong adik sa rejection ay "hindi nagtutugma sa reality" o realidad.

"Very clear naman sa harapan mo, ayaw sa 'yo, pero with that kind of people who are used to romantic rejection, they have the false thinking and illusion na, 'Oh, it's gonna work,'" ani Gui.

Ipinayo ni Gui para sa mga adik sa rejection na suriin muna ang kanilang mga sarili at tingnan kung ano ang mga aspeto ng kanilang mga pagkatao ang puwede pang pagbutihin.

Normal din daw para sa mga tao na masaktan matapos ma-reject pero dapat ay agad ding mag-"move forward." 

"Keep yourself busy. Don't just stay in that area," sabi ng doktora.

Ipinaalala din ni Gui na bagaman mahalaga ang pag-ibig, hindi naman doon umiikot ang lahat ng bagay.

"Love is something that is very important in our life. It keeps us moving, keeps us motivated and keeps us happy but love is not everything," ani Gui.

Dagdag pa niya, hindi rin dapat "nililimos" ang pag-ibig.

"Hindi ka dapat magmakaawa na mahalin ka. Kasi dapat ang pag-ibig, pagmamahal, kusang ibinibigay sa iyo," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.