63 anyos na pole dancer, ibinida ang ehersisyo para sa kalusugan

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2018 09:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ika nga nila, "age is just a number."

Patunay na marahil sa kasabihang iyan ang isang pole dancer na, sa edad na 63, ay patuloy na isinusulong ang kahalagahan ng ehersisyo, lalo na habang tumatanda.

Sa panayam ng programang "Ma-Beauty Po Naman" ni Cory Quirino sa DZMM, ibinahagi ng pole dancer na si Maribel Corpus kung paano naging lunas sa kaniyang karamdaman noon ang napiling uri ng ehersisyo.

Habang nasa Amerika kasi, nagkaroon siya ng kondisyon sa spine na tinatawag na "slipped disc."

"Nagkaroon ako ng slipped disc, masakit. Sabi ng doktor doon [sa Amerika], 'huwag kang magpa-opera. Pagdating mo sa Pilipinas, pumunta ka sa gym, kumuha ka ng physical therapist na coach, and palakasin mo ang iyong legs, ang iyong likod, at iyong core, 'yong abs. Kasi sila ang humahawak ng spine.' Ginawa ko po 'yon at nawala ang slipped disc ko," kuwento ni Corpus.

"Sabi ng doktor, 'let pain guide you.' Kung masakit, ihinto mo, kung hindi masakit, ipagpatuloy mo."

Bago sumabak sa pole dancing, nag-bodybuilding muna si Corpus at nagwagi pa sa isang kompetisyon nito.

Sunod siyang nag-pole dancing.

"Kapag nasanay, parang balewala na 'yong pag-akyat, pagbaligtad. Sa pole [dancing], upside down 'yong world. Lagi kang nakabaligtad," sabi ni Corpus. "Lalakas ka every time you do it. Every time you go to class, lalakas ka, kasi body weight mo 'yong kine-carry mo sa pole."

Sinang-ayunan naman ng mag-asawang fitness coach na sina Jim at Toni Saret ang kahalagahan ng pag-eehersisyo lalo na kapag nagkakaroon ng edad.

Paliwanag ni Jim, karaniwang humihina at lumalaylay ang muscles sa katawan kapag ito'y hindi masyadong naigagalaw.

"Ang pag-eehersisyo ay parang 'fountain of youth.' Mas actually nakukuha natin ang pagkabata kasi nire-reverse natin ang aging kapag tayo ay nag-eexercise," ani Jim. "Kahit ga'no ka katanda, kapag ginalaw mo ang muscle, magre-respond 'yan, magfi-firm up 'yan."

"Kahit lumagpas pa tayo ng menopausal age, all the more na mas kinakailangan na mag-inat-inat tayo dahil movement or mobility is key. Consistency po talaga kasi ang muscles talagang nag-a-atrophy. Tapos ang bone density natin nagiging brittle, all the more you need circulation to sustain your blood flow, get oxygen in the muscles and the bone," sabi naman ni Toni.

Ayon din sa Fastbreak anchor, dating senador at basketball player na si Freddie Webb, kahit nang magka-edad siya, hindi pa rin nawala ang regular na ehersisyo sa kaniyang pang-araw-araw na gawain.

"We love sitting down that we don't wanna stand up anymore. That is the worst thing that you can do to your body. You have to be on the move... it will help you to stay on this earth longer," sabi ni Webb.

"When I'm in the gym, I am very happy. I'm all smiles and I look myself in the mirror and say, 'I have been blessed to still be alive.'"

Sabi rin ng mag-asawang Saret, may mabuting dulot din sa pag-iisip at pakiramdam ang pag-eehersisyo.

"Nakakatanggal ng dementia, lalo na kapag nagkakaedad na... exercise... improves the quality of your thinking and 'yong brain cells, 'yong neurons natin, nagre-reproduce," paliwanag ni Toni.

"Kapag medyo feeling disappointed ka, sad ka, depressed ka, stressed ka, mag-exercise ka, at mas lalo kang magbabago ang mood mo kasi nga magre-release ng endorphins [na nagpapasaya]," sabi ni Jim.

Mainam ding pangontra sa paghina ng buto sa katawan ang ehersisyo.

"Nade-delay po ang osteoporosis... In my case, my bone density is that of a 20-year-old," kuwento ni Corpus. "It's never too late na mag-start. Kahit senior na tayo, mas kailangan po nating maging fit. At para maging fit, kailangang mag-exercise."

Nagbigay naman ng payo si Jim sa mga gustong magsimulang mag-ehersisyo para mapabuti ang lagay ng kalusugan.

Aniya, hindi dapat biglain ang katawan.

Puwedeng simulan lang muna ang ehersisyo sa simpleng paglalakad o maging sa paulit-ulit na pag-upo-tayo.

"Napakaimportante na gumagalaw tayo. Ngayon di kailangang mag-member ka ng gym, di kailangan ng high-tech na gamit. Simpleng galaw lang na body weight, tumayo ka, umupo ka, maglakad ka, mag-squats ka, mag-lunges ka, luhod ka lang, lahat 'yan malaking tulong na agad sa katawan," sabi ni Jim.

"Brisk walking is one of the best exercises talaga sa buong mundo. Napaka-low impact niyan, napakadaling gawin, at ang daming nade-develop sa katawan."

Kung nag-aalangan naman sa ehersisyong gagawin dahil may iniindang karamdaman, mabuting sumangguni rin muna sa espesyalistang magrerekomenda ng angkop na ehersisyo.

Pagtitiyak naman nina Corpus at Jim, madali ring nakaka-adjust ang katawan kapag nagsimula nang mag-ehersisyo.

"It takes three weeks para ang katawan natin magresponde... kunwari gusto mong magbawas ng kanin, sa simula mahirap 'yan. Tiyaga ka lang nang tiyaga, after three weeks, sanay na 'yong katawan. So gano'n din siya sa exercise, sa simula mahirap, first day, first week, mahirap. Pero pagdating ng three weeks, nasanay na 'yong katawan," paalala ni Jim.

"Hahanap-hanapin ng katawan ang exercise once you're used to [it], kapag sanay na kayo," sabi ni Corpus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.