Ama, anak muling nagtagpo matapos ang higit 3 dekada

ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2020 12:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Walang isang araw sa nagdaang 32 taon na hindi ipinagdasal ni Marcial Apalla na makita muli ang anak na nawalay sa kaniya matapos ilayo ng asawa. 

Taong 1984 nang mapilitang maging overseas Filipino worker si Marcial para mabigyan umano ng mas disenteng buhay ang kaniyang mag-ina. Halos wala raw silang makain noon sa Pangasinan.

Pero habang nasa ibang bansa, may mga balita ang nakarating kay Marcial na may kalaguyo na ang kaniyang misis at pinagsusugal pa nito ang kitang ipinadadala niya.

Kalaunan ay nagpasyang umuwi si Marcial sa Pilipinas pero sa halip na matuwa, kinagalitan pa siya ng kaniyang asawa.

“Sinorpresa ko silang darating ako na hindi nila alam,” ani Marcial, na ngayo’y 65 anyos na, sa panayam ng “Rated K.”

Ayon kay Marcial, handa pa siya noon na kalimutan lahat nang nangyari habang nagtrabaho siya sa ibang bansa at patawarin ang misis alang-alang sa kanilang anak na si Mark Anthony.

Pero makalipas ang isang linggo, umalis ang misis ni Marcial at kasama nito ang kanilang anak.

Nitong Enero, nakatanggap ng mensahe sa Facebook ang “Rated K” mula sa hipag ni Marcial na hiniling sa programang matulungan ang ama na muling mahanap ang anak.

Natunton ng programa sa Masbate si Mark Anthony at nabatid na inabandona rin umano siya ng ina.

Pinagpasa-pasahan at pinagmalupitan umano si Mark Anthony ng kaniyang mga kamag-anak.

“Ang hirap ng naranasan ko doon sa Masbate, Hindi kasi maganda,” sabi ng mangiyak-ngiyak na si Mark Anthony, na ngayo’y 35 anyos na.

Noong una ay nag-alangan pa si Mark Anthony na makipagkita sa ama dahil mistulang hindi raw siya pinaglaban nito at hinayaan lang matangay ng ina.

Pero pinili ni Mark Anthony na magpatawad at makalipas ang higit 3 dekada, muli silang nagtagpo ni Marcial.

“Salamat na nagkita tayo, anak. Matagal na panahon, ‘yon ang hinihiling ko,” ani Marcial sa mismong pagkakataong nakita ulit ang anak, na nakunan ng “Rated K.”

Ipinakilala rin ni Marcial si Mark Anthony sa bago nitong pamilya.

Noong Biyernes, Pebrero 21, bumalik si Mark Anthony sa Masbate at nangakong bibisitahin ulit ang ama.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.