5 National Artists nagpugay kay Architect Bobby Mañosa

Abner Mercado, ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2019 04:31 PM

MANILA -- Nagbigay pugay ang 5 Pambansang Alagad ng Sining ngayong Linggo sa namayapang arkitekto na si Francisco “Bobby” Mañosa na nagdisenyo sa ilang bantog na gusali sa bansa. 

Pumanaw dahil sa karamdaman si Mañosa sa edad na 88 nitong Miyerkoles, ilang buwan matapos siyang hirangin bilang National Artist for Architecture noong Oktubre. 

Kabilang sa National Arists na dumalo sa necrological rites ni Mañosa sa Cultural Center of the Philippines (CCP) ang musikero na si Ryan Cayabyab, mga manunulat na sina Virgilio Alamario at Bienvenido Lumbera, mananayaw na si Alice Reyes, at dramatista na si Amelia Lapeña Bonifacio. 

“Mahalaga ang sining para sa bayan at ito ang pinatunayan at inialay ni Bobby para sa mga Filipino,” ani Cayabyab. 

Aniya, inspirasyon niya sa kaniyang awiting “Da Coconut Nut” ang disenyong Coconut Palace ni Mañosa. 

Binasa naman ni Almario, na siya ding chairperson ng National Commission for Culture and the Arts, ang mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte na kinilala si Mañosa para sa kaniyang "naging ambag na hindi malilimutan para sa bayan." 

Kilala bilang Ama ng Philippine Neo-vernacular Architecture, isinulong ni Mañosa ang "edible garden" o disenyong gumagamit ng mga halaman sa panlabas ng pader ng isang gusali. 

Kabilang sa mga disenyo ng arkitekto ang Our Lady of Peace Shrine sa EDSA, paunang istraktura ng LRT-1, opisina ng San Miguel Corp. sa Pasig, Chapel of the Risen Lord sa Las Piñas at Amanpulo resort sa Palawan. 

“Ipinanganak kang Filipino gamitin mo ang sining at talino mo para sa mga Filipino,” ani Denise Mañosa, anak ng namayapang National Artist, sa isang pahayag na nagpasalamat din sa mga nagpaabot ng pakikiramay sa kaniyang ama. 

MALASAKIT PARA SA MGA ALAGAD NG SINING 

Ilang buwan bago ang halalan sa Mayo, hinikayat din ni Cayabyab ang mga susunod na lider at mambabatas na magmalasakit para sa mga artista ng bayan.

“Mahalaga man ang ekonomiya pero sana pahalagahan at bigyang importansya din ang mga artist. Ang kanilang sining ang kaluluwa ng ating kultura,” ani Cayabyab. 

Sa huling bahagi ng necrological rites binigyan ng full military honors si Mañosa. Inihatid ng kaniyang pamilya ang kaniyang mga labi sa himlayan nito sa Libingan ng mga Bayani. 

Nagtapos ng Architecture si Mañosa mula sa University of Santo Tomas noong 1953 at nagtayo ng kumpanya kasama ang kaniyang 2 kapatid noong sumunod na taon. 

Noong 1976, itinayo ni Mañosa ang kaniyang sariling architecture company na layong isulong ang "Filipinism" style. 

Idineklara siya bilang knight ni Pope John Paul II noong 1982 dahil sa kaniyang disenyo ng Papal chair at altar sa Luneta. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.