Nilinaw ni House Deputy Speaker Pia Cayetano na ang "summary judicial proceedings" na nakapaloob sa divorce bill na lumusot sa komite ng Kamara ay hindi nangangahulugang wala nang paglilitis.
"Hindi naman walang paglilitis...It is still a court proceeding pero ang ibig sabihin natin ng summary ay mas simple at mas maikili," ani Cayetano.
Grounds para sa summary judicial proceedings ng divorce:
- Kapag hiwalay na ang mag-asawa nang di bababa sa 5 taon
- Kapag isa sa asawa ay pumasok sa isa pang kasal
- Kapag legal nang hiwalay (legally separated) sa pamamagitan ng isang judicial decree sa loob ng 2 taon o higit pa
- Kapag ang isa sa mag-asawa ay nasentensiyahan na mapakulong ng anim na taon, kahit pa ito'y ma-pardon
- Kapag ang isa sa mag-asawa ay nagpabago ng kasarian sa pamamagitan ng surgery
Sa ilalim ng summary proceeding ay may limang "piling-piling" dahilan lamang na maaaring gamitin kung nais ng mabilisang divorce.
"Iyan lang po kasi piling-pili lang 'yang limang 'yan because we determined what grounds are very easy to prove so no need na magpahaba pa ng normal judicial process," aniya.
"Ito 'yung sagot namin du'n sa daing ng napakarami naming naka-usap sa public consultations," dagdag niya.
Dahil "summary" umano ang proseso, babawasan ang pagka-teknikal ng paglilitis, di tulad ng mas istrikto at pormal na mga proceeding sa korte.
Magkakaroon pa rin ng pagpepresenta ng ebidensiya at pagsasagutan ng mga abogado pero mababawasan na ito di hamak.
"Abot-kaya" ang naturang paraan ng diborsiyo lalo't opsiyonal lamang ang pagkakaroon ng abogado.
Isa naman sa mga nais sanang probisyon ni Cayetano ay ang pagpapataw ng timeframe sa pagtatapos ng bawat paglilitis.
Nabigo man silang isama ito sa lumusot na bersiyon ng House committee on population and family felations, isusulong pa rin aniya ito sa pag-usad ng panukala.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, Batas Kaalaman, divorce, divorce bill, separation, marriage, Pia Cayetano, House committee on population and family relations, summary judicial proceedings, DZMM Teleradyo, DZMM