TFC News

Art workshop para sa mga batang Pinoy, idinaos sa Cambodia

Annalyn 'Apol' Mabini | TFC News Cambodia

Posted at Feb 23 2023 11:30 AM | Updated as of Feb 23 2023 11:44 AM

PHNOM PENH, CAMBODIA - Idinaos ang art workshop para sa mga batang Pinoy sa Cambodia na “Pintura Pambata Kids’ Art Workshop” noong February 12, 2023 sa multipurpose hall ng Embahada ng Pilipinas sa Cambodia. Kaalinsunod na rin ito ng National Arts Month ngayong Pebrero na may tema ngayong taon na: “Ani ng Sining, Bunga ng Galing.” 

Hinikayat ni Philippine Minister and Consul General Emma R. Sarne ang mga bata na ipakita ang kanilang kultura, galing at talento bilang mga Pilipino sa pamamagitan ng pagpipinta.

cambodia
Mga batang Pinoy na lumahok sa “Pintura Pambata Kids’ Art Workshop” kasama ang Filipino artist na si Zoila Albano noong February 12, 2023 sa Cambodia

Siyam (9) na mga batang Pilipinong mag-aaral sa Phnom Penh ang tinuruan ng Filipino artist na si Zoila Albano ng basic acrylic painting kung saan coconut o buko ang subject.  

Ayon pa sa Embahada, si Albano ay kasalukuyang guro ng sining sa Philippine International School of Phnom Penh. Nagtaguyod din siya ng isang youth art group na “Young at HeART”  kung saan niya ibinabahagi ang kanyang artistic talents sa mga kabataan lalo na sa mga kababaihan. Layon niyang hubugin ng mga kabataan ang kanilang pagiging malikhain sa pamamagitan ng sining ng pagpipinta. 

Kabilang sa mga natutunan ng mga bata ang tamang pagtitimpla ng mga kulay at paggamit ng iba-ibang klase ng brush at strokes sa pagpipinta. Bukod sa naiuwi ng mga bata ang kanilang mga obra, binigyan din sila ng Embahada ng art materials na kanilang magagamit sa pagpipinta.