PatrolPH

Kailan dapat operahan ang pasyenteng madalas may tonsillitis?

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2019 06:34 PM

Watch more on iWantTFC

Nagiging karaniwang sakit ang tonsillitis o kondisyon kung saan namamaga ang tonsils sa lalamunan dulot ng bacteria. 

Pero kapag lumala na ito, posible na itong operahan ayon sa isang eksperto. 

Ayon sa ear, nose, and throat specialist na si Dr. Daniel Alonzo, ooperahan ang pasyente kapag paulit-ulit na niyang nararanasan ang sintomas nito. 

Paliwanag niya, maaaring hindi na matanggal ang bacteria na nagdudulot ng tonsillitis sa simpleng pag-inom ng gamot. 

"Yung pagtanggal ng tonsils ay tinatawag namin na definitive treatment. Kasi ang antibiotics, iinom ka sandali tas babalik naman. Yung pagtanggal ng tonsil tapos na siya," aniya sa "Good Vibes" ng DZMM. 

Kung hindi na raw tumatalab ang gamot sa katawan ay dapat na raw patingnan ito sa doktor, aniya. 

"Meron kaming sinusunod na guidelines, na kapag maraming beses sa isang taon patingnan niyo na kasi kailangang tapusin 'yung paulit ulit na impeksiyon," dagdag niya. 

Isa ang tonsillitis sa pinakakaraniwang sakit sa lalamunan, kung saan namamaga ang tonsils ng pasyente dulot ng bacteria. 

Kabilang sa mga sintomas ng tonsillitis ang pamamaga at pagkakaroon ng puti o dilaw na coating sa tonsils, lagnat, sakit sa katawan, at pagkapaos o sore throat. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.