Nagdiwang ng kanyang ika-105 kaarawan si Apo Whang-Od, ang pinakamatandang mambabatok o traditional tattoo artist sa Kalinga.
Ipinanganak si Apo Whang-Od o kilala rin bilang Maria Oggay noong Pebrero 17, 1917.
Noong Sabado, Pebrero 19, masayang ipinagdiwang ng mga taga-Buscalan ang kaarawan ni Apo Whang-Od.
Ayon kay Darryl Bautista, isa sa mga turistang nakadalo sa pagdiriwang, nagkatay ng baboy ang pamilya ni Apo Whang-Od.
Nagkaroon din ng kasiyahan bandang gabi. Sa ilang mga bidyo na kuha ni Bautista, makikita na nakisali si Whang-od sa kasiyahan.
Itinuturing na world-renowned si Whang-od sa sining ng pagtatato, at noong 2018 ay ginawaran siya ng National Commission for Culture and the Arts ng Dangal ng Haraya Award for Intangible Cultural Heritage.
Naging laman ng balita si Whang-od nitong 2021 nang umano’y isinama siya ni vlogger Nas Daily sa tutorial series nito kahit walang opisyal na pahintulot. — Ulat ni Harris Julio
MULA SA ARKIBO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.