Paano maiiwasan ang maagang pagkulubot ng balat?

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 07:05 PM | Updated as of Oct 04 2018 05:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maraming sanhi ang ang pagkakaroon ng wrinkles o ang pagkulubot ng balat.

May mga salik na hindi napipigilan tulad ng natural na pagtanda pero mayroon ding mga paraan para maiwasan ang "premature skin aging" o maagang pagkulubot ng balat.

Ayon sa dermatologist na si Dr. Maria Cristina Puyat, isa sa mga nangungunang sanhi ng mabilis na pagkulubot ng balat ay stress.

Paliwanag ni Puyat, naglalabas kasi ng mga hormone ang katawan kapag nakararanas ng stress na nakakaapekto sa malusog na balat.

"Ang stress kasi, kapag may stress tayo, nagre-release tayo ng hormones na cortisol... 'yan ang nagha-handle ng stress natin," sabi ni Puyat, na miyembro ng Philippine Academy of Dermatologic Surgery Foundation Inc.

"Nawawalan tayo ng ibang hormones sa katawan natin na nagpapabata sa'tin so inaagawan ng stress 'yong mga hormones na nagpapabata sa'tin," aniya.

May kaugnayan din umano ang kakulangan sa tulog sa maagang pagkulubot ng balat.

Kapag natutulog kasi ay bumababa ang nibel ng cortisol na nilalabas ng katawan.

"Pero 'pag hindi tayo natutulog, ang cortisol ay tumataas. So kung mataas ang cortisol, hindi nagre-repair ang katawan natin," ani Puyat.

May epekto rin sa balat ang dehydration o kakulangan ng tubig sa katawan.

"Kapag hindi tayo masyadong umiinom ng liquids, kahit man lang tubig, nanunuyo ang balat natin."

Paliwanag ni Puyat, isang palatandaan na sapat ang tubig sa katawan ay kapag inangat ang balat ng pakurot at agad itong umurong.

"Kasi function iyon ng elastic tissue natin, parang goma, nags-snap back, bumabalik siya," ani Puyat. 

Kabaligtaran ito ng mga balat na loose o tila maluwag at wrinkly o makusot.

Kabilang sa iba pang sanhi ng skin aging ay polusyon, mga bisyo gaya ng paninigarilyo at alak, at matagal na pagkakalantad sa ultraviolet radiation ng sikat ng araw.

Para mapanatiling malusog at "youthful" o sariwa ang balat, inirekomenda ni Puyat ang mga pagkain na mayaman sa Vitamic C tulad ng dalandan, mansanas, calamansi, at avocado.

Maaari rin umanong kumain ng mga gulay na may sulforaphane tulad ng broccoli.

Nakabubuti rin aniya sa balat ang mga isdang mayaman sa omega-3 fatty acids tulad ng salmon, galunggong, hasa-hasa, at sardinas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.