SILIPIN: Paghahanda sa homecoming parade ni Catriona Gray

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2019 11:56 AM | Updated as of Feb 21 2019 12:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Puspusan na ang paghahanda para sa kalsadang dadaanan ng ika-apat na Pinay Miss Universe 2018 na si Catriona Gray sa kaniyang homecoming parade ngayong Huwebes.

Nakahanda na rin ang lava-inspired float na gagamitin para sa naturang parada.

Inaasahan ngayong hapon ng ang dagsa ng mga libo-libong fans sa parada, na magsisimula sa Sofitel Philippine Plaza sa Pasay.

Kakaliwa sa Atang Dela Rama St. ang sasakyang float ni Gray. Kakaliwa ito sa Magdalena Jalandoni Street, at kakanan ng Bukaneg Street.

Kakaliwa sa Roxas Boulevard sa bahaging northbound ang float at kakanan ito sa Kalaw Avenue, kakanan sa Taft Avenue, kakaliwa sa Buendia Avenue, kakanan sa Ayala Avenue at magtatapos ito sa Rustan's Ayala Avenue.

Magkakaroon din ng ticker tape - o tradisyunal na pagsabog ng mga confetti na pagpugay sa mga personalidad sa mga natatanging personalidad na nagbigay-karangalan sa bansa - sa kaniyang pagdaan sa Taft Avenue hanggang Ayala Avenue.

Isa rin sa mga inaabangan ang susuotin ni Gray.

Nauna nang sinabi ni Mak Tumang, ang gown maker ni Gray noong lumaban ito sa Miss Universe, na inspired sa anahaw at sampaguita ang gown na isusuot ngayon ng Miss Universe sa kanyang homecoming parade.

Asahan na raw na dadagsa ang mga negosyante na magbebenta ng mga memorabilia gaya ng t-shirt, pamaypay at ang replica ng sikat na Mikimoto crown.

Nakahanda na rin ang National Capital Region Police Office para magbantay sa mga rutang dadaanan ng float ni Gray.

-- Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.